Ito si nanay Emilia Sabben Mallillin, Limampu’t-walong (58) taong gulang. Siya ay masayahin, maaruga sa pamilya, responsableng ina, asawa at lola. Siya ay naninirahan sa Barangay Camasi, bayan ng Penablanca sa probinsiya ng Cagayan.

 

Sa aking panayam kay Nanay Emilia, nakitaan ko siya ng interes upang ikuwento ang kanyang talambuhay. Isa siya sa mga aktibong miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program simula pa noong 2012, masigasig sa pagpapaaral ng kanyang mga anak, at patuloy sa pagsusumikap sa pagtaguyod ng kanyang pamilya.

 

Sa aming pag-uusap na tumagal ng mahigit dalawang oras, nabanggit niya na ang kanyang nakukuhang tulong-pinansiyal sa pagiging miyembro ay pilit niyang pinagkakasya sa kanilang gastusin mula sa pagkain, pambaon ng kaniyang mga anak sa paaralan, medisina at iba pang pampersonal na pangangailangan.

 

Hindi naging lingid sa aking mga mata ang sukbit na kwaderno at nang siya ay tanungin ukol dito, ipinakita niya ang kanyang tala-arawan. Ang bawat pahina nito ay naglalaman ng iba’t-ibang impormasyon, marahil mula sa mga dinaluhan niyang Family Development Sessions (FDS). Mula sa mga aralin tungkol sa iba’t-ibang aspeto ng buhay at pagpapamilya, nakatala rito ang pagpapahalaga sa edukasyon, wastong nutrisyon at tamang kalusugan. Ngunit higit pa doon, natatangi ang kanyang listahan ng natatanggap na cash grants sa bawat pay-out magsimula pa noong una siyang makatanggap.

“Sa susunod na buwan sir, ipapakita ko rin ang listahan ko kung papaano ko ito ginagamit at ibinabadyet para sa pang araw-araw namin!” Pagmamalaki pa niya.

 

Isa sa mga binibigyang diin sa mga FDS ay ang wastong paggamit ng mga natatanggap na cash cards. Ang pagpapanatili ng maayos na rekord ay makakatulong upang maging masinop sa aspetong pinansiyal ang pamilya. Patunay na naging malaki ang impresyon ng aral na ito kay nanay Emilia lalo na’t hinihikayat rin niyang pumares ang iba pang kasamahan.

 

“Nagpapasalamat ako sa bumubuo ng DSWD, higit na sa mga manggagawang hindi nagsasawang umaagapay sa amin dito sa lugar,” pahabol na sambit niya nangingilid na kapwa ang aming mga mata.

 

“Para sa aming mahihirap na tila madilim ang kinabukasan, nabigyan kami ng liwanag ng pag-asa. Kaya naman kami rin ay nagpupursige upang unti-unting mai-ahon an gaming kalagayan sa buhay!”

 

###Kwento ni Kenneth Jay Acidera