Ang mga kalalakihan ang tinataguriang haligi ng tahanan at sumisimbolo sa katatagan, seguridad at pagbuklod ng pamilya. Angkin nila ang natatanging lakas at katapangan kung kaya naman higit ang respeto sa kanilang estado sa loob ng tahanan. Sa kabila nito, nagkakaroon ng pag-aabuso ng awtoridad ang ilang kalalakihan na siyang nagdudulot ng hindi pagkakaintindihan ng pamilya at kung minsan ay humahantong sa pananakit. Dahil rito, nabuo ang konseptong Gender and Development (GAD) upang mahikayat ang pagiging isang gender-sensitive at gender-responsive ng lahat ng miyembro ng komunidad.
Si Rodel Macarubbo Sr., 44 taon, asawa ni Estela at ama nina Jana Ria, Abigil Aubrey, Rodel Jr., Ashley Jude ay miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa barangay Caggay, Tuguegarao City. Sila ay natutulungan ng programa sa pagpapaaral ng kanyang panganay, 19 taon, na kasalukuyang nasa kolehiyo at tatlo na nasa high school na may edad 16, 15, at 12 taon.
Katulad ng ibang mga magulang, mapursige silang mag-asawa sa paghahanap-buhay. Sinasabak ni Rodel and iba’t-ibang mga trabahao katulad ng pagpipintor, pagmamaneho ng traysikel, at iba pa. Hindi naman pinapabayaan ni Estela ang kanilang pamilya lalo na’t nais ng mag-asawa na makapagtapos ng matiwasay ang mga anak ng kolehiyo.
Hindi lamang sa paghahanap-buhay ang pinagtutuunan ng pansin ni Rodel sapagkat siya ang nahirang na parent leader ng kanyang mga kapwa benepisyaryo sa 4Ps sa kanilang lugar. Hindi niya alintana ang kadalasang pagpuna ng iba sa kanyang pagiging pinuno sa grupo na higit na binubuo ng mga kababaihang miyembro. Bagkus ay kanya pa itong ipinagmamalaki at kadalasan ay nakikita siyang sumasama sa mga gawaing nagsusulong sa mga karapatan ng kababaihan.
Kung sa kanilang komunidad naman, mariin niyang isinusulong ang pagbuo ng organisasyon na naglalayong magbigay ng pondo at suporta para sa mga kabataang hindi nag-aaral upang mahikayat ang pagbalik ng mga ito sa eskwela.
Ani ni Rodel, “Ang pagkakaroon ng respeto at pagpapahalaga sa karapatan ng kababaihan ay hindi kabawasan sa pagkalalaki, bagkus ito ay nagdudulot ng matiwasay na pagsasama bilang mag asawa at mabuting relasyon sa mga anak.”
###Kwento mula sa mga manggagawa ng 4Ps