“Walang pangarap na hindi matutupad basta may sipag, tigaya at determinasyon sa buhay.”

Si Marites Martinez at asawang si Roger ay nabiyayaan ng apat na anak at nakatira sa Brgy. Cataggaman Pardo, Tuguegarao City kasama ang isa sa kanilang pamangkin.

 

Nagsimula ang mag-asawa sa isang bahay na gawa lamang sa maninipis na materyales sa Brgy. Bagay. Nagtatrabaho noon bilang construction worker si Roger at kumikita ng P250.00 kada- araw.  Hindi naging sapat ang kita ni Roger sapagkat ang kontratang kanyang natatanggap ay hindi regular.

 

Upang mabuhay ang pamilya, tumutulong si Marites sa asawa sa paghahanap-buhay. Gumawa siya ng iba’t-ibang kakanin katulad ng banana cue, pansit at maruya na inilalako niya sa lansangan.

 

Taong 2011, napabilang sila sa Core Shelter Assistance Program (CSAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at tumanggap ng tirahan sa Brgy. Cataggamman Pardo, Tuguegarao City. Bukod pa rito, napag-alam nilang napabilang din sila sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

 

Para kay Marites, malaki ang ipinagbago ng kanilang buhay simula nang sila ay mapabilang sa programa. Ang cash grants na kanilang natatanggap sa kada ikalawang buwan ay ginagamit ng mag-asawa pambili ng mga pangunahing pangangailangan ng mga anak sa paaralan. Ang natitira naman dito ay iniimpok ni Marites. Sa pamamagitan ng Family Development Sessions (FDS), napapatibay ng mag-asawa ang kanilang relasyon sa pamilya.

 

Kalaunan, naka-ipon ang mag-asawa ng kaunting puhunan upang makapagsimula ng isang maliit na gawahan ng muwebles. Sa maraming taon ni Roger sa pagkarpintero, nakahiligan niya ang kakaibang likhang kamay mula sa paggawa ng kasangkapan sa bahay. Sa mga kakilala lamang siya natuto upang mapaganda ang kanyang mga likha at dahil na rin sa pagiging karpintero niya, hindi sila nahirapang mangolekta ng mga kasangkapan para sa kanilang shop.

 

Tanging si Marites at Roger lamang ang nagtatrabaho upang mabuo nila ang kanilang mga paninda at ang mga kliyente naman ay mula sa mga kakilala at rekomendasyon ng mga kaibigan. Tuwing bakasyon naman, tumutulong ang mga anak sa magagaang gawain tulad ng paglilinis at paggawa ng gawaing bahay. Dahil sa kanilang pagsisikap at pagiging masinop, nakapundar ng sariling traysikel ang mag-asawa na ginagamit bilang paghatid at sundo sa kanilang mga anak. Maliban rito, nakapag-pagawa rin sila ng kulong-kulong na siyang ginagamit sa pagdeliver ng mga gawang kasangkapan sa kanilang mga kostumer.

Ang kanilang mga anak ay nagsisikap din sa pag aaral. Sa katunayan ang kanilang pangatlong anak na nasa elementarya ay nangunguna sa kanilang klase.  Sa patuloy na paggabay ng mag-asawa at pangangaral sa mga anak, hindi umaasa silang mas higit na maia-angat pa ng pamilya ang kanilang pangkabuhayan.

Ayon kay Marites, “Talagang magdoble kayod kami para makapagtapos ang aming mga anak. Nakapag-umpisa na kami, patuloy naming gagawin ang lahat ng aming makakaya upang mabigyan sila ng maginhawang kinabukasan.” ###