Sa masisikip na mga kalye ng lungsod ng Tuguegarao, naroroon ang luntiang traysikel ni Eriberto Lopez Jr., 33-taong gulang at miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program mula sa Balzain West ng naturang lungsod. Hindi alintana ang mainit na sikat ng araw habang siya ay nagmamaneho upang maihatid ang mga pasahero sa kanilang pupuntahan. Labindalawang piso lamang bawat pasahero ang pamasahe ngunit sa limang pasaherong kanyang maihahatid sa isang biyahe ay mainam na upang siya ay makalikom ng sapat na halaga para sa kanyang pamilya.
Ang kanyang maybahay na si Joseline, 32 taon, ang nagsisilbing katuwang sa buhay sa pagpapalaki sa kanilang tatlong anak.
“Nagsimula kami sa simpleng pamumuhay,” panimula ni Eriberto. “Kahit anong klaseng trabaho pinasok ko para lang may maiuwi sa pamilya ko.” Nagtrabaho siya bilang isang karpintero na kumikita ng 1,200.00 piso kada linggo na siya namang pinagkakasya ni Joseline. Nang magsimulang mag-aral ang mga anak, tumanggap na rin si Joseline ng mga labahin upang makatulong sa asawa.
Maliban sa pagkakarpintero, sumabak din si Eriberto sa pangangalakal ng bote at bakal. “Mas mabuti na yung mangalakal ako sa mga bakanteng oras ng pagkakarpintero kaysa sumubok sa mga hindi marangal na trabaho, ” ika niya. Ang hindi pagkakaroon ng regular na pagkukunan ng pangkabuhayan ang lubos na nagpapahirap sa mag-asawa, gayunpaman ay hindi sila tumitigil maghanap ng pagkakakitaan at nananatili ang pananalig sa Panginoon. Sa katunayan, nakasanayan na ng pamilya ang dumayo sa karatig bayan ng Piat upang mag-alay ng panalangin sa Basilica Minore ng Piat.
Taong 2011, ang sambahayan ni Eriberto ay napasali sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Dahil dito, mas higit na nagpursige ang mag-asawa upang mabigyan ng magandang edukasyon ang mga anak. Sa tulong ng programa, naramdaman ng pamilya ang unti-unting pagbabago katulad ng pagkakaroon ng dagdag halaga para sa pang-araw-araw na gastusin tulad ng pagkain, gamit sa loob ng bahay, bigas, gamot at lalo na sa pambili ng mga kakailanganing gamit ng mga bata sa pag-aaral.
Mula naman sa pag-iimpok ay unti-unting nakapundar ang mag-asawa ng segunda manong traysikel na kanilang hinuhulugan buwan-buwan. Ito ang pangunahing pinagkukunan ni Eriberto kasabay pa rin ng paminsan-minsang pagsama sa pangangarpintero.
Nagdaan pa ang ilang taon, nagpasya si Joseline na mangibang-bansa sa Singapore upang mas higit pa nilang matugunan ang pangangailangan ng pamilya. Hindi naging madali kay Eriberto na umalis ang asawa sapagkat nahirapan siya sa mga gawaing bahay lalo na sa pag-aalaga ng mga anak. Gayunpaman, ang pagiging masunurin at mabuting mga bata ng kanilang mga anak ang higit na nagpabilis ng transisyon ng pamilya buhat ng pagkawalay kay Joseline.
Nakatulong din ang pagiging grantee ni Eriberto sapagkat siya ay regular na dumadalo sa mga Family Development Sessions (FDS) ng programa. Dito niya natutunan kung paano pag-ibayuhin ang pagiging responsableng magulang sa mga anak at pagiging masinop. Nakatulong din ito upang maiwasan niya ang paninigarilyo at minsan na lamang itong uminom ng alak.
Pangarap ng mag-asawa ang makabili ng sariling lupa na kanilang pagpapatayuan ng bahay kung kaya mas pinag-iibayo nila ang pagtatrabaho at pag-impok. Sa kasalukuyan, ang kanilang tirahan na ipinatayo sa lupang hindi nila pag-aari at naroroon lamang sa pahintulot ng may-ari, ay gawa lamang sa magagaan na materyales na dati ay kawayan. Sa tulong ng natanggap na Emergency Shelter Assistance (ESA) para sa Bagyong Lawin at Ompong, napalagyan nila ng plywood na dingding at mas matibay na pundasyon ang kanilang tirahan.
Ani ni Eriberto, hindi pa man nila naisasakatuparan ang lahat ng kanilang mga pangarap ay nagtitiwala naman silang maaabot nila ang mga ito kahit na sila pa ay maihiwalay pa sa programa. Sinisigurado nilang ipagpapatuloy ang nasimulang pagsisikap upang mas mai-angat ang antas ng kanilang pamumuhay hanggang makatapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak.