Delfin Albano, Isabela – Kinilala ng DSWD Field Office 02 at Lokal na Pamahalaan ng Delfin Albano ang mga pamilyang kusang lumabas o voluntarily waived mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ginanap na Pammaddayaw na Paggradua nac Pantawid Pamilya sa Delfin Albano Sports Coliseum ngayong hapon, ika-11 ng Pebrero.

 

Ang 28 na mga kabahayan na nakadalo mula sa unang distrito ng probinsiya ng Isabela ay kusang nagpahayag ng kanilang kagustuhang lumabas na sa programa sa kadahilanang makakaya na nilang maitaguyod ang pangangailangang pangkalusugan at edukasyon ng kanilang mga pamilya kahit wala nang matatanggap na ayuda mula sa programa.

 

Ayon kay Rosalinda Manuel, 56 anyos, isang dating benepisyaryo mula sa Barangay Aga, Delfin Albano, nakatulong ang mga cash grants upang kanyang matugunan ang pang-araw araw na pangangailangan ng pamilya lalo na sa gastusin sa pagpapa-aral ng kaniyang siyam na mga anak. Kanya mang nagunita ang hirap ng kanilang buhay dati, ang kanilang sariling sipag at tulong mula sa 4Ps ang nakatulong sa kanilang umahon sa buhay.

 

Bilang isang benepisyaryo, ginamit niya ang mga natanggap na cash grants sa pangunahing pangangailangan ng pamilya habang siya ay patuloy na dumalo at matuto sa mga Family Development Sessions (FDS) ng programa.

Ang pagiging aktibo niyang miyembro rin ang nagbigay daan upang siya ay mapagkatiwalaan ng lokal na pamahalaan at mabigyan ng oportunidad upang mamahala ng ilang proyektong pang-agrikultura kasabay ang proyektong paghukay ng poso sa kanilang lugar. Sa pamamaraang ito nila nakukuha ang regular na pagkukunan ng pangkabuhayan.

Sa ngayon, lima na sa kanyang mga anak ang nakapagtapos sa kolehiyo at tumutulong upang maitaguyod ang apat na nakababatang kapatid, hudyat upang magdesisyon siyang kusang bumitaw na sa programa.

 

Ang programa ay nasa ika-labing isang taon na ng implementasyon at sa loob ng mga taong ito’y nakapagbigay na ng tulong pinansiyal sa higit 105,473 na sambahayan.

Maliban sa 4Ps na nagbibigay-tulong sa pagpapa-aral sa elementarya at sekondarya, ang Expanded Students Grants-In-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) ng Commission on Higher Education (CHED) naman ang nagbigay ayuda upang makapagtapos ang mga estudyante sa kolehiyo.

Bukod pa rito, ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD ay umagapay sa pagpapalaganap ng pangkabuhayan ng mga miyembrong ito. Sa kasalukuyan, mayroon nang 1,330 na kabahayan sa buong rehiyon ang nagpahayag ng boluntaryong paglabas mula sa programa mula ng magsimula ang implementasyon ng programa taong 2019.

 

Maliban sa 28 na lumabas na sa programa, kinilala rin sa seremonya na ito ang 45 na mga anak na benepisyaryong nakapagtapos ng pag-aaral at napagtagumpayan ang mga pagsusulit sa bawat napiling propesyon katulad ng Licensure Examination for Teachers, Forester Licensure Examination, Respiratory Therapist Licensure Examination, Criminology Examination at Agriculturist Licensure Examination.

 

Ani ni Regional Director, Fernando R. De Villa Jr., “Patuloy parin ang pagsuri at pagsubaybay ng ating mga kasamahan sa bawat munisipyo upang magabayan ang mga napapabilang pa sa programa. Kasama ang lokal na pamahalaan at iba pang mga pribado o pampublikong katunggali ng ahensiya, tayo ay magtutulungan nang sa kalaunan ay makaalpas rin sila mula sa kamay ng kahirapan.”