Isinilang ako sa isang pamilyang hikahos na namumuhay sa laylayan ng lipunan.
Panlima sa siyam na magkakapatid, mula ako sa isang padre de pamilyang karpintero, welder, at tagalinis, ika nga, isang all-around na utility. Sa kabilang banda, ang ina ko nama’y isang labandera, maglalako ng sari-saring paninda at magbobote. Parehong pursigidong maitaguyod kaming magkakapatid, ngunit lubhang hirap sa limitadong kakayahan at kaalaman.
Bilang estudyante, natuto akong maging masinop at marunong sa buhay. Tuwing bakasyon o kapag nanataong wala akong pasok, tumutulong ako sa aming mga kamag-anak sa iba’t-ibang gawaing bahay. Paminsan minsan din ay sumasama ako sa aking mga magulang sa pagbabakal at pagbobote. Ang naiiipon ko mula sa mga maliliit na gawaing ito ang siyang unti-unti kong ginagamit sa aking mga pangangailangan sa paaralan.
Miyembro kami ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, subalit sa dami naming magkakapatid na mag-aaral, hindi na ako umasang makakatunton pa ako sa kolehiyo. Napagtanto ko noon na mas mainan na lamang makapagtapos sa sekondarya kasama ng aking mga kapatid kaysa maisakripisyo ang kanilang pag-aaral para sa akin.
Mabuti na lamang at may iba pa palang tadhanang nakalaan para sa akin. Napabilang ako sa Expanded Students Grants-In-Aid Program for Poverty Reduction o ESGP-PA, programa ng CHED at DSWD upang makapagpatuloy sa kolehiyo ang mga katulad kong may mga pangarap.
Sa mga natanggap kong grants napupunta ang lahat ng pangunahing pangangailangan ko sa pag-aaral sa kursong Bachelor of Elementary Education sa Nueva Vizcaya State University – Bayombomg. Sa mga naiipon ko mula rito ay naiaambag ko din sa pag-aaral ng aking mga nakababatang kapatid maliban sa nabibili naming mga kasangkapan sa bahay at higit sa lahat ay ang pagpapakabit ng linya ng kuryente sa aming bahay.
Hindi pa natapos ang mga pagsubok sa akin sa pagsuot ko ng toga at pagtanggap ng aking diploma. Batid kong mas higit ang hamong pagtagumpayan ang Licensure Examination for Teachers sapagkat ito ang magiging daan upang maisakatuparan ko ang propesyong aking pinapangarap.
Nasimulan kong dumalo sa isang review center at napahanga ako sa mga lector. Doon nabuo ang pangarap kong maging tulad nila subalit sa dami ng aking pagliban sa mga sesyon ay nabahala akong baka hindi ko ito maisasakatuparan. Lakas-loob kong hinarap ang pagsusulit, baon ang tiwala ng aking mga magulang at pag-asang aking mapagtagumpayan ang hamon na ito. Hindi ako nabigo, paglipas lamang ng ilang araw ay naipabalita na napagtagumpayan ko ito.
Sa ngayon, isa na akong ganap na guro at namamasukan bilang isang lector ng naturang Review Center. Nais kong maging inspirasyon para sa mga kapwa kong napapabilang sa programa. Nais kong himukin ang mga katulad kong may pangarap at patuloy na nangangarap. Ako si Chiqui Mae Maculob Sabado, lisensiyadong guro at anak ng isang karpintero at magbobote.