Si Liza L. Gauaan, isang benepisyaryo ng Modified Conditional Cash Transfer (MCCT) ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ay mula sa Purok 1, Barangay Masoc, Bayombong, Nueva Vizcaya. Sila ng kaniyang kabiyak ay nabiyayaan ng tatlong anak, sina Krizza Mae, Mark Raiven at Sean Clifford.

 

Bilang isang ina at maybahay, pangunahing responsibilidad niya ang panatilihing masigla at maayos ang tahanan kasabay ang paggabay sa pag-aaral ng mga anak. Gayunpaman, ninais niya ring magkaroon ng ibang pangkabuhayan upang matugunan ang iba pang pangangailangan ng pamilya.

 

Ang oportunidad na ito ay nakarating nang siya ay sumailalim sa Skills Training on Hog raising katuwang ang Municipal Agriculture Office (MAO) ng LGU Bayombong noong buwan ng Disyembre taong 2016. Samantala, sa pamamagitan ng Support Services Intervention (SSI) ng 4Ps, nakatanggap rin siya ng starter kit na siyang puhunan niya upang masimulan ang Hog Raising.

 

Sa mga sumunod na buwan ay nadagdagan ang kaniyang responsibilidad. Kinailangan niyang pagsabayin ang pag-aruga sa pamilya at kanyang mga alaga. Madalas ay kinakailangan pa niyang maghanap ng dagdag organikong pakain sa mga baboy sapagkat magastos ang mga nabibili sa komersiyo.

Sa kalaunan ay nagbunga rin ang kaniyang pagsisikap. Mayroon na siyang inahin at ilang biik para sa ‘hog fattening. “Ang pamilya ko at mga alaga ko ang siyang inspirasyon ko upang bumangon araw araw,” Ani niya.

### Kwento ni Jane B. Cosico