Hindi nangangamba si Armalyn Langit ng Sta. Fe, Nueva Vizcaya sa limitasyong dulot ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa kanila. Bagamat isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) simula noong 2013, aminado siyang hindi sapat ang mga grants na natatanggap lalo na’t ang isa sa dalawang anak ay kinakitaan ng pisikal na kapansanan at nagangailangan ng palagiang konsultansyon sa espesyalista.
Pagtatanim ng gulay ang kanilang pangunahing pinagkukunan ng pangkabuhayan at dahil sa pagtigil ng pampublikong transportasyon lalo na’t sila ay nakatira sa mabundok na bahagi ng bayan, hindi naging madali para sa kanila ang magdala ng produkto sa pamilihan. Gayunpaman, hindi siya pinanghihinaan ng loob sapagkat pinaghandaan niyang mabuti ang mga ganitong pangyayari.
Isa sa mga natutunan at tumatak sa kanya sa mga Family Development Session (FDS) ang mainam na paraan ng pag-badyet at pag-iimpok upang may magamit kung higit nila itong kailangan. Sa katunayan, sa tuwing silang mag-asawa ay makaluwag sa gastusin ay itinatabi niya ito hanggang sa siya ay makalikom ng sapat ba halaga at makapagbukas ng isang savings account sa isang kooperatiba sa kanilang lugar.
Sa pag-papatupad ng ECQ, agad naglabas ng limanlibo si Armalyn mula sa kanilang savings at agad niya itong ibinili ng kanilang mga pangangailangan para sa dalawang linggo.
Aniya, “Mainam na makapaghanda na kami ng maaga kaysa maghintay na lamang ng ayuda mula sa gobyerno. Responsibilidad namin bilang mga magulang ang mapanatiling malusog at ligtas ang mga anak sa panahon ng sakuna.”