Noong ika-9 ng Abril, 2020, nasa 1,754 na pamilya mula sa limang barangay ng Alicia, Isabela ang tumanggap ng halagang P5,500.00 mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD-FO2).

 

Ang mga tumanggap ay ang mga napapabilang sa mga pamilyang higit na nangangailangan at mayroong isa o higit pang miyembrong napapabilang bulnerableng grupo katulad ng senior citizen, person/s with disability, buntis o nagpapasuso.

 

Kasama sa mga tumanggap na ito sina Ailyn, Lorena, Salvadora at Genaro, pawang napapabilang sa mga bulnerableng sektor ng pamayanan. Narito ang kanilang kwento:

“Ailyn”

Mula sa Burgos, Alicia ang 44-taong gulang na si Ailyn Tanario at nakakapaglibot lamang sa pamamagitan ng wheelchair. Gayunpaman, hindi ito nakakapigil sa kanya upang mamasukan na isang housekeeper upang makakain sila ng kanyang mga senior citizen na mga magulang.

 

Dahil sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay nanatili na lamang siya sa kanilang bahay kaya naman sila hirap sa paghahanap ng makakain sa pang araw-araw lalo na’t kinakailangan pa niyang makabili ng gamot para sa kanya at mga magulang.

 

“Nagpapasalamat ako sa DSWD at malaking tulong ito para sa amin, sa pagkain at gamot,” ang mensaheng kanyang nasambit.

 

Genaro

Lulan ng mobile ng barangay si Genaro Agbayani nang magpunta sa pay-out venue sa Sta. Maria, Alicia. Ayon sa mga nakakakilala sa kanya, sa edad niyang 98 taon ay nagagawa pa rin niyang makilahok sa mga gawain ng komunidad katulad ng nakaraang halalan.

Siya ay pinagtutulungang masuportahan ng mga apo subalit dahil sa ECQ ay napatigil rin sila sa paghahanap-buhay at napirmi na lamang sa bahay. Sa pamamagitan ng SAP, nakatanggap sila ng panggastos upang maitaguyod ang pang araw-araw na pangangailangan hanggang sa muling makabalik sa paghahanap-buhay.

 

“Lorena”

 

Ang 36-taong gulang na si Lorena Pascual ay may kapansanan sa isang mata at hirap sa paglakad. Gayunpaman, siya at ang kanyang ina ay namamasukan bilang labandera sa Burgos, Alicia habang ang ama naman ay binabayaran ng arawan upang magtrabaho sa bukid.

Sa pagpapatupad ng ECQ, tumigil ang pagtanggap nila ng labada sa kadahilanang hindi sila makalabas upang mangolekta ng labahin at marami na rin sa mga kapitbahay ang tumigil sa pagpapalaba. Parehong mga senior citizen ang mga magulang kaya hindi rin sila pinayagang makapagtrabaho sa bukid.

 

Laking pasasalamat ng pamilya ni Lorena sa natanggap na ayuda. Aniya “Ako ay nagpapasalamat sa DSWD sa ibinigay nila na ipambili ko ng gamot at pagkain.”

 

“Salvadora”

 

Tahimik na nakatalima ang 83-taong gulang na si Salvadora Agron habang hinihintay na matawag ang kanyang pangalan. Tubong Enrile, Cagayan, siya ay napadpad sa Sta. Maria, Alicia nang siya ay makapag-asawa at buhat noon ay hindi na nakabalik sa kinakalhang probinsiya.

Nakatira siya sa isang barung-barong kasama ang anak at dalawang apo. Sa pagiging kasambahay ng anak at paglalako niya ng gulay ang pinagkukunan nila ng pang-araw araw. Sa pagpatupad ng ECQ, hindi na nakabalik sa kanilang tahanan ang anak na namamasukan sa kabilang bayan samantalang maging siya ay hindi na pinayagang maglako.

 

Ayon kay Salvadora, sa maliit na gulayan siya kumukuha ng ipapakain sa mga apo subalit maging ito ay hindi sapat, lalo na’t wala silang suplay ng bigas. Minsan ay tumanggap sila sa mga kapitbahay ngunit maging ito ay paubos na.

 

Aniya, “Mabuti na lamang at mayroon kaming matatanggap na ayuda. Sapat na iyon upang mapanatag ako sa pang-araw araw naming pangangailangan.”

 

Sila ay ilan lamang sa mga tumanggap ng emergency subsidy mula sa programa, may kanya-kanyang pangangailangan at may mga kuwentong nagpapatunay na higit silang nangangailangan ng ibayong pagkalinga at matapat na serbisyo.