Tuguegarao City – Tatlong taga Cagayan Valley ang nagbalik ng natanggap na emergency subsidy mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD-FO2) sa kanilang lokal na pamahalaan mula Abril 20 hanggang 23, 2020.

 

Si Elino Bermudez ng Barangay Buenavista, Santiago City, Isabela ay isang barangay tanod ng kanilang lugar. Dahil sa proklamasyon ng DSWD na maaari na ring mapabilang sa mga kwalipikadong makakatanggap ang mga Barangay Health Workers (BHW), Day Care workers at Barangay Tanod ay napasama siyang nakatanggap. Subalit agad niya itong isinauli sa kadahilanang sila ay kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at natanggap na sa kanilang cash card ang parehong halaga.

 

Sa kabilang banda, si Florabel Bobola ng barangay Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya ay kusang nagbalik ng tinanggap na 5,500.00 nang mapag-alamang hindi pala siya kwalipikado na makatanggap. Ayon sa Municipal Action Team (MAT) ng ng Kasibu na siyang nag-balida sa kanilang lugar, may-ari siya ng isang tindahang nananatiling bukas at kumikita habang pinapa-iral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa kanilang lugar, sanhi upang siya ay hindi na maging kwalipikado para sa ayuda.

 

Si Elizabeth Buguina naman ay isang maglalako ng gulay sa kanilang lugar. Ayon sa assessment ng kanilang lokal na pamahalaan ay kwalipikado siyang makatanggap ngunit ito ay kanyang tinanggihan, bagkus ay sumulat pa siya sa kanilang punong barangay upang huwag na siyang isama sa talaan ng makakatanggap.

 

Aniya, “Ako po si Elizabeth A. Buguina na nakatira sa Dassun, Solana, Cagayan Zone 6. Isa po ako sa makakatanggap ng tulong ng gobyerno. Ang aking decision ay ibigay niyo po sa mas higit pong  nangangailangang mamamayan ang ayuda. Maraming salamat nalang po sa inyong lahat.”

###may ulat sa mga sumusunod: City Government of Santiago, Jan Udaundo at Wow Cagayan