Tuguegarao City – Umabot na sa 2,097 na mga Waitlisted/Left-Out na mga pamilya sa Lambak ng Cagayan ang tumanggap ng 5,500.00 na emergency subsidy mula sa isinagawang pay-out para sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 noong Hulyo 17-18, 2020.

 

Ang direct cash pay-out sa mga bayan ng Bayombong, Kasibu, Bambang, Aritao at Alicia ay naisakatuparan dahil sa maagap na pagsumite ang mga bayang ito ng mga rekisito katulad ng encoded SAC forms, kompletong talaan ng Waitlisted/Left-Out, at sertipikasyon mula sa kanilang LGU, upang maisagawa ang proseso ng Deduplication at magkaroon ng wastong na listahan ng kwalipikadong pamilya para sa payroll generation.

 

Ayon kay Assistant Regional Director for Operations, Lucia Alan, mahalaga ang proseso ng Deduplication upang masiguro na tanging ang mga pamilyang hindi pa nakakatanggap mula sa first tranche ng DSWD-SAP at maging sa iba pang ahensiyang nagpapatupad ng SAP ang mabibigyan ng ayudang ito.

Aniya, “Napakarami nating mga kababayan ang nawalan ng pangkabuhayan, nahirapan sa paghahanap-buhay at nakaranas ng pagkagutom dahil sa pandemiyang ito subalit hindi lahat ay kayang mabigyan ng ayuda. Sa pamamaraan ng Deduplication, sinisiguro natin na patas ang pagtanggap ng ayuda upang mas marami ang makikinabang dito.”

 

Patuloy ang pagsagawa ng Direct Cash Pay-out sa iba pang bayan ng Nueva Vizcaya at mga piling bayan na hindi masasakop ng Financial Service Provider (FSP) na Starpay samantalang ang mga bayan naman na sakop ng digital payment ng Starpay ay magsisimula nang makatanggap ng kanilang ayuda sa mga susunod na araw.