Ako si Cristel Joy, bunga ng dalawang angkan na pinagbuklod, Genova at Duerme mula sa mga isla ng Calayan, Cagayan. Ang aking ama ay isang magsasaka. Tandang tanda ko pa noong kami ay sinasama niyang makipag-ani sa mga bukiring hindi namin pagmama-ari. Sa kabilang banda, ang aking ina naman ay nananatili lamang sa aming bahay.

 

Simpleng buhay lamang ang aking kinagisnan sapagkat sa murang edad pa lamang ay natuto na ako sa lahat ng gawaing bahay. Elementarya pa lamang ako ay nakasanayan ko na ang tumulong sa aking ina. Lagi ako noong pumupunta ng ilog upang maglaba, o di naman kaya’y karga ko ang mga pinagkainang hugasin sa isang batya. Tanda ko ang pagbibiro ng isa kong kakilala na, “Kas anu ka a dumakkel nu kanayon ka nakasusuon ti planggana?” (Paano ka lalaki kung lagi kang may pasan na batya?)

 

Ako ang panganay sa apat na magkakapatid kung kaya’t para sa akin, masuwerte na kapag ako ay makatanggap ng sampung pisong baon para sa isang maghapon. Para sa akin, “Umanayen ti maysa a tinudok ken maysa nga ice candy a miryenda nu tiempo idi iti recess.” (Sapat na ito para sa isang tusok ng kakanin at ice candy na meryenda  sa recess)

 

13 years old pa lamang ako nang ang pamilya ko ay dumaan sa isang matinding dagok. Bisperas ng bagong taon, naalala kong masaya pa kami ng mga kapatid ko, nagkakantahan habang pauwi sa aming bahay. Mayroong naging kaguluhan sa di kalayuan ngunit hindi namin pinansin. Inutusan ko pa ang aking mga kapatid na paghatihatian ang mga gawaing bahay upang pagdating ng nanay at tatay ay handa na ang lahat.

 

Nakinuod pa kami sa aming kapitbahay habang nag-aabang sa kanilang pag-uwi ngunit sa katagalan ay nakatulugan naming ang paghihintay. Nagising ako sa tawag ng kamag-anak na kailangan daw kaming magpunta sa bahay ng aming lola dahil nasugatan ang aming tatay sa paa. Panghuli ay nagbitiw sila ng “Joy, tibayan mo ang iyong loob” na siyang dahilan ng di maipaliwanag na pagkabog ng aking dibdib.

 

Malayo pa lamang kami ay naririnig ko na ang iyakan. Tila parang isang panaginip ang aking paglapit, napakaliwanag ng bahay ng aking lola, at napakaraming tao. Sa gitna ng mga ito ay ang nakaratay na katawan ng aking ama sa ibabaw ng higaang may puting tabing, walang malay, wala nang buhay. Para akong binagsakan ng langit, higit pa’t bisperas ng bagong taon at hindi na pala naming siya makakasama.

 

Napag-alaman ko ang walang-awang pagpaslang sa kanya sa araw na iyon. Kasabay ng pangungulila ay ang galitna namuo sa aking dibdib. Para sa akin, napaka-walang puso at konsensiya ang kanyang ginawa, ang pagkitil ng buhay ng isang ama samantalang mayroon pang mga paslit na nakaasa sa kanya. Higit pang nakapagdagdag sa aking sama ng loo bang malaman na ang aking ina ay dalawang buwan palang nagdadalantao, ibig sabihin ay walang makakagisnang ama ang aking bunsong kapatid.

 

Sa aming pagka-ulila ay higit pang naging mahirap ang aming buhay. Wala nang katuwang si nanay sa paghahanap-buhay kung kaya’t kinailangan ko ding gumawa ng paraan upang mairaos ang aming mga pangangailangan. Kahit hirap sa pera ay hindi ako tumigil sa pag-aaral, sa katunayan ay ginamit ko pa ito upang magkaroon ng sariling kita. Nagbenta ako ng mga kakanin na gawa ni nanay at kornik sa paaralan. Tuwing walang pasok naman ay hawak ko ang palanggana, kasama si nanay sa pagtanggap ng labahin. Paminsan minsan, nasusubukan kong makipagtrabaho sa koprahan ng mga kamag-anak.

 

Ang mga kapatid ko ang nagging katuwang sa mga gawaing bahay, natuto kaming gumawa ng kanya-kanyang paraan upang maging masinop. Walang nagrereklamo sa mga simpleng pagkain sa hapag katulad ng kanin na hinaluan lamang ng bagoong o kape o mantika at toyo.

 

Taong 2009, mapalad kaming napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.  Malaki ang naiambag nito sa aming buhay lalo na sa mga pangangailangan naming magkakapatid sa pag-aaral. Tuloy pa rin ang aking paghahanap-buhay ngunit ito na ngayon ay para sa pandagdag sa baon o tustusin sa paaralan at hindi lamang sa pagkain.

 

Dalawang taon ang lumipas at muling nag-asawa ang aking ina. Nagkaroon sila ng dalawang anak at kami naman ay salitang tumira sa aming lolo at lola. Naitaguyod ko ang aking pag-aaral sa sekondarys sa  pagiging masipag, masikap at sa tulong ng mga  taong bukas ang palad sa pagmamalasakit sa akin.

 

Hindi ako agad nakapagpatuloy sa kolehiyo dahil sa kakulangan ng pantustos at kawalan ng paaralang pangkolehiyo sa aming lugar. Sa edad na 16 anyos, nagtungo ako sa Bulacan upang mamasukan bilang kasambahay at makapag-ipon ng pampa-aral. Ilang buwan pa ang lumipas at nabalitaan kong nagbukas ang Cagayan State University ng extension campus sa aming lugar kung kaya’t ako ay bumalik at nag-enroll subalit ang kanilang operasyon ay nagtagal lamang ng isang taon kung kaya’t ako ay muling natigil sa pag-aaral.

 

Taong 2014 nang ako ay lumuwas sa Laoag City, Ilocos Norte upang makipagsapalaran. Ako ay nagtatrabaho bilang kasambahay at tindera nang alukin ako ng aking tiyo na muling subukan ang mag-aral sa Divine Word College of Laoag (DWCL) bilang isang working student at sa kabutilang palad ay natanggap naman. Hindi naging madali para sa akin na balansehin ang aking oras, kinailangan ko ang dobleng sikap, tiyaga at sipag sa aking tatlong taong pag-aaral. Maliban kasi sa gawain sa kolehiyo, tumutulong din ako sa aking tiyo sa kanyang maliit na pwesto sa may Cathedral, mula sa pagtinda at pagsasara ng kanyang pwesto, pinagtutulungan din naming linisan ang mga pinagtirikan ng kandila sa may simbahan para sa mga deboto.

 

Sa huling taon ko sa kolehiyo ay tumigil ako sa pagiging student assistant upang maigugol ko ang kabuoan ng aking oras sa pagkumpleto ng mga units na kinakailangan upang ako ay makapagtapos. Nagpa-ekstra ako bilang sales lady sa isang tindahan at sa Laoag City Public Market upang may pandagdag sa mga ibinibigay ng aking ina at mga tito at tita hanggang sa nakamit ko ang inaasam kong pagtatapos nitong buwan ng Hulyo bilang Cumlaude sa kursong Bachelor Of Secondary Education.

 

Sa araw ng aking graduation ay hindi ko mapigilang magbalik-tanaw sa aking mga pinagdaanang pagsubok. Ang mga katagang naririnig ko tulad ng: “Ay eto hindi makakapagtapos ng pag-aaral, mag-aasawa agad yan” at “Adda da pay lang dita dapnisan, awan kwarta dan” (Nasa simula pa lamang pero kapos na sa pera) na sana ay maging sanhi upang ako ay panhinaan ng loob ay ginamit ko upang lalo pang magpursige sa aking layunin. Napakasarap marinig ngayon na ang mga kamag-anak ko mismo ang nagsasabi:  “Tularan niyo si ate Joy niyo, masipag yon mag-aral”. Ipinagmamalaki ko na ang batang may hawak na batya at kandila noon, diploma na ang hawak ngayon.

###with contributions by MAT Calayan