“Kapag walang tiyaga, walang nilaga,” Isa sa mga salitang naririnig ko sa aking mga magulang kapag sila’y nagpapahinga pagdating ng hapon sa aming munting tahanan. Maihahalintulad ko ang aming tahanan sa isang Bahay Kubo. Maliit, masikip at makaluma. Kung babanggitin lahat ay mayroon pang mga butas sa dingding, at kapag ika’y titingin sa itaas, makikita mo pa ang sumisilip na mga ulap. Konting ulan lamang ay babaha na sa loob ng bahay. Balde, pitsel at batya ang nagsisilbing tagasalo ng mga tubig na dumadaloy patungo sa sahig ng aming bahay. Ang mga sako at tuwalya ang tanging tabing sa aming mga bintana sapagkat wala itong permanenteng takip. Gayunpaman, ang tahanan na mayroon kami ay sapat na sa amin sa pagkat kumpleto ang pamilya.

Walo kaming lahat sa pamilya. Ika-tatlo ako sa anim na magkakapatid. Ang aking ina na si Madelyn Bergonia at ama na si Carlos Bergonia ay magsasaka sa bayan ng Amulung, barangay Catarauan. Sa aking pagkakatanda’y nasa elementarya ako noon, ika-anim na baitang , ang aking mga nakakatandang kapatid na sina Jorem at Marissa ay nasa Highschool at aking mga nakababatang mga kapatid ay kagaya kong nasa Elementarya pa lamang nang kami ay mapabilang sa programa ng gobyerno at ito ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Kapos kami sa pera kaya’t utang doon utang dito, tipid sa budget, kulang sa gamit sa iskwela at ganoon din sa bahay. Ang kinikita ng aking ina at ama mula sa pagsasaka noo’y kulang pa para sa amin. Minsan pa nga’y nauutusan kaming magpunta sa tindahan upang mangutang na muna ng ulam. Limang piso ang tanging baon namin maghapon sa iskwela at sa tanghali pa nga’y nangunguha kami ng mga prutas ng mga kapitbahay upang may mabaon at makain kapag nagutom. Ngunit sa kabila ng mga ito’y nagpupursige kaming mag-aral na magka-kapatid upang maging masaya ang aming mga magulang at may kapalit ang mga pawis nila mula sa pagsasaka.

Hindi ko pa rin masasabi na gumaan na ang buhay naming buhat nang kami ay mapabilang sa 4Ps. Sabi ko noon sa aking mga magulang, ” Mang madik kayat agbasa ton, mapan nak to latta agsikkan” (Inay, ayaw ko nang mag-aral, makikisaka na lamang ako). Sapagkat ito ang nakikita kong trabaho kahihinatnan ko noon at sanay kami sa pagsasaka. Mula elementarya ay natuto kaming sumulong sa bukid upang “aggapas ken agad-adas” (umani at nangamumulot ng tanim) upang may maibenta at mabaon sa iskwela. Tumuntong kaming tatlo sa Highschool at doon ko naramdaman yung pagod ng aking mga magulang sa paghahanap ng pera para sa pambayad ng matrikula, pambili ng mga materyales sa gawain para sa asignatura, allowance namin at sa gastos sa bahay sa pang araw-araw.

Isang araw, may nag-alok ng negosyo sa aking ina na nagustuhan niyang subukan. Mula sa naimpok na halaga mula sa mga grants kinuha ang naging puhunan dito. Nagbebenta siya ng mga produkto ng Personal Collection sa ibat-ibang barangay at nagre-recruit ng mga kapwa magbebenta upang tumaas ang ranko niya at sales sa kompanya. Naging masigasig ang aking ina sa pagbenta, wala silang pinalampas pagkat pati guro ay napagbebentahan niya. Sa pamamaraang ito, unti unting napagabo an gaming buhay.

Kapalit ng lahat ng ito ang pag-aaral namin ng maayos upang hindi namin mabigo ang aming mga magulang. Sa paghihirap nila sa pagkayod mula umaga minsan pa nga ay ginagabi na silang umuwi dahil sa pagdeliver ng mga produkto at sa pagbiyahe sa ibang nayon.

Dumating sa punto na kailangan ng pera para sa pagsali ng aking kapatid sa ibang paaralan kagaya na lamang sa Division Schools Press Conference (DSPC), Regional Schools Press Conference (RSPC) o pagsali sa mga quizbee at essay writing sa ibat-ibang paaralan dito sa Cagayan, buong suporta sa kanyang pangangailangan ang aking mga magulang. Hindi naman kami nabigo sapagkat pag-uwi naman niya ay may karangalang bitbit para sa aming pamilya.

Nakapagtapos ang aking mga kapatid sa Highschool subalit ang panganay sa amin ay hindi na tumuloy sa kolehiyo sa kagustuhang ang ate ko na lamang ang magtuloy sa pag-aaral. Sumakay siya sa barko bilang manggagawa at ang kanyang mga kinikita ay ipinapadala sa amin upang makatulong sa pantustos sa pag-aaral namin.

Nakaabot sa ikatlong taon ang aking ate sa tulong ng programa ng gobyerno, sa mga napapasukang trabaho, sa mga scholarship mula sa munisipyo, provincial at sa mismong paaralan. Sa tiyaga ng aking mga magulang at sa kagustuhang makaangat sa buhay, muli silang sumubok sa ibang negosyo at ito ang pag “Buy and Sell” ng ‘Kiwet’.

Mula sa pakonti-konting benta at kita, ‘tiyaga at sipag’ ang mas higit nilang ipinuhunan. Sa ilang taon nilang pagtiya-tiyaga sa negosyong ito at sa gabay na ibinabahagi ng Pantawid Pamilya Program, nagawa naming makapag-aral at makapag-tapos nang sabay ng aking kapatid na si Precious Joy sa Junior Highschool at ako naman sa Senior high.

Naging sapat ang pera na ginagastos namin sa pang-araw-araw na pamumuhay. Nabibili na namin ang mga gamit na kailangan sa iskwela at allowance dahil sa tulong ng 4Ps. Nakapag-tapos ang aking ate sa isang kilalang unibersidad dito sa Cagayan State University-Andrews sa kursong Bachelor of Science in Secondary Education.

Nakapagpatayo ng sari-sari store ang aking mga magulang at nakabili ng mga gamit para sa bahay. Ang nuo’y bahay kubo ay nagawa na nilang ipa-konkreto.

Napakalaking bagay na napasali ang aming pamilya sa 4Ps sapagkat tinulungan nila kaming makaahon sa buhay at makamit ang mga pangarap naming makapag-aral. Bilang isang batang nangangarap, hindi ko ikinakahiya na kabilang kami sa 4Ps kagaya ng sinasabi ng ibang tao na pabigat lamang kami sa gobyerno sa pagkat ginagawa namin ang parte namin bilang nabigyan ng tulong.

Muli, nais kong ipabatid na hindi masamang umangat sa buhay ang mga kagaya namin, lahat naman ng tao ay may kagustuhang makaahon basta sa pagtanggap ng tulong ay walang masasayang.

 

Ito po si Carolyn Bergonia, anak ni Madelyn at Carlos Bergonia, benepisyaryo ng 4P’s mula sa Catarauan, Amulung, Cagayan.