Ako po si Evelyn A. Castillo nakatira sa Del Pilar, Cabatuan, Isabela. Ako ay may asawa at apat na anak, tatlong babae at isang lalaki, na pare-parehong nag-aaral sa kasalukuyan.

Bago pa man dumating ang programang Pantawid Pamilya ang aking asawa ay nagtratrabaho bilang isang helper at ako naman ay housewife, ngunit minsan ay sumaside-line sa paglalaba. Ang kinikita naming mag-asawa ay sapat lamang sa aming pang araw-araw na pangangailangan.

 

Minsan hindi maiwasan na kami ay umutang ng pangkain sa tindahan, at maging sa ibang tao upang matustusan ang pang araw-araw na pangangailangan ng aking mga anak sa paaralan. Madalas hindi makatikim ng masasarap na ulam ang aking mga anak at nagkakasya lamang kami sa limang itlog at sampong pisong tuyo sa umaga at dalawang sardinas sa tanghali.

 

Dumating ang panahon at napabilang kami sa programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at doon ay unti-unting nagbago ang kalagayan ng aming buhay. Nakakapaghanda na ako ng masasarap at masusustansyang pagkain sa hapag-kainan. Lagi naring busog ang aking mga anak kaya naman umangat ang kanilang timbang at tuluyan na silang naalis sa bilang ng mga malnourished na bata. Nabibigyan ko narin ng sapat na baon sa paaralan ang mga bata at nakakabayad narin kami ng mga bayarin sa school. Nabibilhan ko narin sila ng sapat na gamit sa eskwela at nabawasan narin ang aming pangungutang sa tindahan at sa ibang tao o sa mga kaibigan ko.

 

Dati ako ay isang housewife at labandera ngunit sa tulong ng programa ako ay nakaipon ng pampuhunan para makapagpundar ng maliit na sari-sari store kung saan nagtitinda rin ako ng gulay at karne. Dahil sa tulong ng kanyang amo, ang asawa ko naman ay natulungan makapagpundar ng tricycle na kanya ngayong pinapasada. Sa kabutihang palad ay nabiyayaan din kami ng libreng pabahay mula sa aming local na pamahalaan dahil dati ay nakikitira lamang kami sa mga kamag-anak.

 

NGayon ay unti-unti nang umaangat ang estado ng aming pamumuhay. Masasabi kong isa ako sa matagumpay na resulta ng 4Ps hindi lang dahil sa tulong pinansyal kundi dahil narin sa pagtutulungan naming mag-asawa. Dahil narin sa programa ay natuto kaming maging mas responsableng magulang. Ang maliliit naming tagumpay ay ilan lamang sa patunay ng magandang layunin ng programa at alam kong marami ding katulad namin ang unti-unti nang nagkakaroon ng magandang oportunidad sa tulong narin ng programa. Naniniwala ako at umaasa na hindi lang kami dito mag tatapos bagkus umpisa pa lamang ito ng aming minimithing tagumpay.

 

###Ulat ng MAT Cabatuan