(Ang liham na ito ay sinulat ni Ginang Maricel L. Baddu, isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya mula sa Sanchez Mira, Cagayan)

Maligayang bati po sa inyong lahat !!!

Nais ko pong ibahagi ang pagbabagong naganap sa buhay ko at ng pamilya ko simula ng tumanggap ako ng tulong mula sa programa ng ating mahal na pangulo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa ahensya ng Department of Social Welfare & Development.

Noon, isa lamang akong simpleng may bahay, taga-laba, taga-luto, taga-linis at taga alaga sa anim naming anak at sa aking asawa na isang magbubukid. Ako’y hinahamak, kinukutya, nilalait dahil mababa lang ang aking pinag-aralan, tinatawag na tanga at kung anu-ano pang mga masasakit na salita pero nanatili akong mapagpakumbaba. Sa halip, sumasama ako sa bukid para magtanim at mag-ani ng palay, gumagawa ng walis tingting at naghuhugas ako ng mga bote at kahit napakahirap nagtitiis ako, umaasa, dumadalangin na sana balang araw buksan ng Diyos ang bintana at pintuan ng langit para sa amin, para sa kinabukasan ng aking mga anak para hindi sila matulad sa akin; at salamat sa kanya dininig nya ang aming dasal at mga hiling.

Noong December 9, 2011, natanggap ko ang panunumpa at kumpirmado na isa akong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, napatalon ako sa tuwa. Inisip at ipinagdasal ko sa Diyos na gabayan at ituro sa akin kung ano ang dapat gawin. Sa awa ng Diyos, June 8, 2012, grumadweyt ako ng High School sa pamamagitan ng Alternative Learning System o ALS, sa pangangasiwa ng butihing ina ng aming bayan, si Gng. Asela B. Sacramed. Pangalawa ako sa 22 na pumasa sa aming bayan.

At kasunod nito, dahil sa masipag naming Mayor Napoleon Sacramed at sa tulong at suporta ng anak nila na si Major Darwin Sacramed at ng LGU Sanchez Mira, sa kauna-unahang pagkakataon nagkaroon ng TESDA sa aming bayan. I grab the opportunity, I ENROLLED, ASSEST, GRADUATE AND CERTIFY sa kurso na COMMERCIAL COOKING NCII, now thanks God, I’m employed. Kahit hindi pa kalakihan ang kita, at least nakakatulong ako kahit papano sa gastusin ng aming pamilya lalo na sa mga anak naming nag-aaral at higit sa lahat may diploma ako at nagkaroon na rin ako ng konting tiwala sa sarili ko.

Sa susunod na mga araw, buwan at taon, nananalig ako na may bukas pa na puno ng pag-asa sa pamamagitan ng tamang desisyon at paggabay, pagkakaisa at pagmamahal ng bawat isa sa pamilya mababago rin ang buhay ng aking mga anak tungo sa magandang bukas. Kasama kami ng pamilya ko na nananalangin at nagsasabing “KAYA NG PINOY TUMAWID SA KAUNLARAN”.

Paalala ko lang sa mga tulad kong kapus-palad, huwag mawalan ng pag-asa at kung tayo ay tutulungan ng pamahalaan o sinumang may mabubuting kalooban, huwag tayong umabuso, gawin nating sundin ang lahat ng alituntunin at payo ng mga namumuno sa atin dahil ang lahat ng ito ay para sa ikabubuti natin. Higit sa lahat, gamitin ang tulong sa atin para sa ikabubuti rin natin.

Napakalaki ang naitutulong ng programang ito. Lubos akong nagpapasalamat at napabilang ako bilang isang benepisyaryo. Salamat sa inyo. At hihit sa lahat, salamat sa Diyos! ### MARICEL L. BADDU, 35 yrs. old/ Pantawid Beneficiary from Sanchez Mira, Cagayan (written on April 12, 2013)