“Dati wala akong bilib sa 4Ps dahil ang alam ko pinupulitika lang yan e. Pero dahil sa mga kwento nyo ngayon, nakita kong malaking tulong pala talaga ito sa mahihirap nating kababayan.”

Ito ang sambit ng alklade ng Sta. Teresita, Cagayan na si Atty. Rodrigo “Rambo” De Gracia, matapos mapakinggan ang makabag damdaming salaysalay ng buhay ng isang grantee, na syang pumukaw din sa puso ng mga dumalo sa idinaos na Pamaddayaw na Paggradua na Pantawid Pamilya ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan sa Rehiyon Dos ngayong ika-23 ng Marso.

Matapos sumailalim sa pagsusuri ng mga kawani ng kagawaran, dalawampung (20) pamilya ang kusang umalis sa 4Ps dahil nakamit na nila ang self-sufficiency level, o may kapasidad na silang mamuhay base sa sariling kakayahan, at hindi na kailangan ng dagdag na tulong galing sa gobyerno.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni 4Ps graduate Mary Ann Tara na “ang pagtatapos namin sa programang ito ay aming lubos na ikinagagalak, hindi dahil sa kami ay yumaman, ngunit masasabi ko na kaya na naming itaguyod ang pamilya at kaya na naming tumayo sa sarili naming mga paa dahil na din sa tulong na pinagkaloob sa amin.”

Mga ESGP-PA grantees kasama ang mga lokal na opisyales ng Sta. Teresita, Cagayan at mga kawani ng DSWD Field Office 2

Samantala, kinilala din ang limang (5) grantee ng Expanded Student’s Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation, o ESGP-PA, na matagumpay na nakatapos sa kolehiyo.

Isa dito si Reymund Sinamag, na mangiyak-ngiyak na ipinamahagi ang mga pagsubok na kanyang dinaanan bago nakamit ang pangarap na makapagtapos ng pag aaral.

Inilahad ni Reymund ang kanyang taos pusong pasasalamat sa ESGPPA dahil matapos maitigil ang unang pagsabak nya sa kolehiyo dahil sa kahirapan, nagkaroon sya ng pangalawang pagkakataon sa tulong ng programa.

“Kinailangan kong tumigil sa pag aaral noong ako ay nasa 3rd year college dahil madalas ay wala na akong makain sa pang araw-araw. Kaya nakipagsapalaran ako sa Maynila, namasukan bilang katulong ng dalawang taon. Noong nakapagpasya na ako ulit na bumalik sa eskwelahan, laking pasasalamat ko na isa ako sa napiling grantee ng ESGPPA,” sabi ni Reymund sa kanyang mensahe.

Pinuri naman ni Assistant Regional Director for Operations Franco Lopez ang mga nagsipagtapos dahil sa kanilang pagpupursigi sa buhay at hinimok ang mga ito na sipagan pa lalo, at higit sa lahat ay magpakumbaba habang umaangat ang antas ng buhay.

Nilagdaan ni Lopez, De Gracia at ng iba pang mga opisyal ang Specific Implementation Agreement na naglalayong suportahan ang mga nagsipagtapos sa programa para mapanatili nila ang self-sufficient na antas ng pamumuhay.
Malugod namang tinanggap ni De Gracia ang case folder ng mga nagsipagtapos at sinabing pag aaralan nila ng mabuti kung ano pa ang pwede nilang magawa para sa mga 4Ps gradweyts.

Maagap at Mapagkalingang Serbisyo!
#DSWDMayMalasakit

Mga nagsipagtapos na pamilyang 4Ps kasama ang mga lokal na opisyales ng Sta. Teresita, Cagayan at mga kawani ng DSWD Field Office 2

Ulat ni Michael Gaspar