TUMAUINI, Isabela – Tinatayang 2,145 na benepisyaryo ng Unconditional Cash Transfer (UCT) Program ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos (DSWD FO2) ang nakatanggap ng kanilang cash card sa ginawang distribution ng ahensya noong Hulyo 16, 2022.
Sa pakikipag tulungan Land Bank of the Philippines at Lokal na Pamahalaan ng Tumauini, Isabela, naibahagi ng ahensya ang tulong pinansyal na nagkakahalaga ng P3,600 para sa bawat benepisyaryo, sa pamamagitan ng kanilang cash card.
“Hangad namin ang mas mabilis at mas protektadong pamamaraan ng pagbibigay ng ayuda. Kaya ngayon, mas pinipili naming magbigay ng cash card sa mga benepisyaryo,” pahayag ni Lorenzo Saquing, manager ng Land Bank-Ilagan Branch, tungkol sa kahalagahan ng paggamit ng cash card.
Ang UCT ay ang pinakamalaking tax reform mitigation program sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Nilalayon nitong magbigay ng mga cash grants sa mahihirap na sambahayan at indibidwal na maaaring hindi apektado ng mas mababang antas
ng buwis sa kita, ngunit maaaring maapektuhan ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin.
Ani Faustina Forto, 90 na taong gulang at isang benepisyaryo ng UCT, “mahirap ang buhay, lalo na mag-isa ako sa aming tahanan dahil kailangan magtrabaho ng mga anak ko sa malayo. Kaya nagpapasalamat ako sa ayudang natanggap ko, dahil kahit papano, matutulungan ako nito. May pambili na ako ng gamot at pagkain.”
Samantala, patuloy pa rin ang ahensya sa pagsasagawa ng distribusyon ngayong buwan ng Hulyo, para sa mga benepisyaryo mula sa Tumauini na hindi pa nakatanggap ng kanilang cash card.
Tinitiyak ng ahensya na matatanggap ng mga benepisyaryo ng UCT ang nasabing tulong pinansyal ngayong taon.