Mahigit 10,000 na indigent senior citizens mula sa City of Ilagan, Isabela, ang nakatanggap ng tulong mula sa Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos, sa ilalim ng programang Unconditional Cash Transfer (UCT).
Nagsagawa ng cash card distribution ang ahensya sa 91 na barangay ng siyudad noong ika-4 hanggang ika-8 ng Oktubre 2022.
Ang UCT ay ang pinakamalaking tax reform mitigation program sa ilalim ng Tax Reform for Acceleratoon and Inclusion (TRAIN) Law. Nilalayon nitong magbigay ng mga cash grants sa mahihirap na sambahayan at indibidwal na maaring hindi apektado ng mas mababang antas ng buwis sa kita, ngunit maaring maapektuhan ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin.
Ang cash cards ay tinatayang naglalaman ng P4,600. Samantala, ang mga benepisyaryong namatay noong 2020 hanggang March 31, 2022 ay makakatanggap lamang ng P3,600, na maaring kunin ng kanilang mga awtorisadong kamag-anak.
Dumalo rin sa distribusyon si Board Member Sectoral Representative for Labor, Evyn Jay C. Diaz. Ani niya, “ang mga lolo at lola po natin ang kayamanan ng ating lipunan. Kami po, bilang kabataan, nagpapasalamat po kami sapagkat kayo po ang naghanda ng kinabukasan namin.” Dagdag pa niya, “hayaan niyo kami sa gobyerno na magbigay ng napakaraming tulong sainyo, lalo na sa mga senior citizens dito sa Ilagan.”
Katuwang ng ahensya ang lokal na pamahalaan ng City of Ilagan, Isabela, at Land Bank of the Philippines, Ilagan branch.
Samantala, magpapatuloy pa rin ang kagawaran sa pagsasagawa ng balidasyon at distribusyon sa buong rehiyon, hanggang sa pagtatapos ng taon.