ILAGAN CITY, Isabela – “Congratulations sa inyong lahat! Ang inyong tagumpay ay nagsisilbing inspirasyon para sa lahat na hindi hadlang ang kahirapan sa pagtupad ng inyong mga pangarap.”
Ito ang pahayag ni Asec. Evelyn Macapobre, Assistant Secretary for Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ginanap na Regional Ceremonial Graduation of Exited 4Ps Beneficiaries ng Department of Social Welf are and Development Field Office 02 (DSWD FO2) noong ika-21 ng Hulyo, 2023 sa Ilagan City, Isabela.
Nasa 155 households at 39 college graduates mula sa iba’t ibang bayan sa rehiyon ang ginawaran ng sertipiko ng pagkilala ng ahensya.
Ang aktibidad ay sumisimbolo na ang mga pamilyang nagtapos sa naturang programa ay nakamit na ang “self-sufficiency level of well-being” at kaya nang mamuhay nang hindi direktang aasa sa tulong ng pamahalaan.
Pinangunahan ni Asec. Evelyn Macapobre ang nasabing pagtatapos, kasama sina DSWD FO2 Regional Director Lucia Alan, Committee Chair on Social Welfare and Development of the Province of Isabela Gng. Margaret Chin, gayundin ang mga kawani ng DSWD FO2, kinatawan ng Provincial and Local Advisory Council, National Government Agencies (NGAs) at Civil Society Organizations (CSOs).
Nagpahayag din ng pasasalamat ang ilan sa mga 4Ps at ESGPPA beneficiaries na sina Gng. Aracelie Bermina ng Cabatuan, Isabela; Gng. Mary Jean Magoncia ng Bambang, Nueva Vizcaya; at G. Virgilio Estrella, isang Expanded Student’s Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) scholar at Cum Laude graduate mula Tuguegarao City, Cagayan, sa tulong na ibinahagi ng pamahalaan upang umunlad ang kanilang pamumuhay.
Kasabay ng nasabing selebrasyon, nagkaroon din ng Information Caravan na nagbigay-daan upang ipa-alam sa mga dumalo ang mga nagampanan ng Kagawaran sa pagpapaunlad ng kalagayan ng pamumuhay ng mga benepisyaryo.
Samantala, tampok din sa selebrasyon ang pagpapamalas ng talento ng mga 4Ps beneficiaries sa isinagawang kompetisyon, tulad ng Spoken Poetry, Jingle Writing, at Family Dance Contest.
Ang naturang selebrasyon ay naisagawa sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Isabela, sa pangunguna ni Gobernador Rodito Albano III.
Maagap at Mapagkalingang Serbisyo!