APARRI, Cagayan – Namahagi ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos (DSWD FO2) ng financial assistance sa 2,734 na mga benepisyaryong bahagyang nasiraan o tuluyang nasiraan ng kanilang mga tahanan, dulot ng bagyong Egay, ngayong ika-21 ng Agosto 2023.
Matatandaan na isa ang bayan ng Aparri sa higit na naapektuhan ng bagyo. Base sa datos ng kagawaran, tinatayang nasa 68 ang “totally damaged” na tahanan at 2,666 naman ang “partially damaged” na mga tahanan.
Nasa P 26,049,200 ang kabuuang halaga ng pinansyal na tulong na ibinahagi ng ahensya, sa ilalim ng programang Emergency Cash Transfer (ECT).
Ang pamamahagi ng ECT ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kay Kalahim Rex Gatchalian, na matulungan ang mga apektadong indibidwal at mga pamilya sa nasabing bayan. Alinsunod rito, agaran ang pagbibigay direktiba ni Kalihim Gatchalian na isagawa ang payout upang magsilbing tulong sa pagbangon muli ng mga naapektuhan ng bagyo.
Samantala, patuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa bawat munisipalidad na naapektuhan noong bagyo, upang mamahagi pa ng karagdagang tulong.