Habang binabaybay ko ang malawak na kalsada ng aming bayan, hindi ko mawari ang saya na aking nadarama. Lulan ang aking motorsiklo, binabagtas ko ang mabatong daan papasok sa aming barangay. Mula sa malayo, tanaw ko ang aming simpleng tahanan; konkreto at hindi magarbo pero puno ng saya. Sa bawat pawis at dugong nilagak ng aming pamilya para maipatayo ang aming bahay ay kasabay din ng pagsasakatuparan ng ilan sa aming pangarap; mga pangarap na nakamit naming nang sabay-sabay at magkakaisa.
ANG PUNDASYON NG PANGARAP
Ako si David Richmar S. Gudoy, panganay na anak ni Gng. Merlyn Constantino, 55 taong gulang, at G. Leonardo Constantino, 59 taong gulang, mula sa Barangay Santor, Sanchez Mira, Cagayan. Marahil nakapagtataka kung bakit ang aking apilyedo ay iba sa aking mga magulang. Ako at aking pangalawang kapatid na si Junel ay anak ni Mama Merlyn sa kaniyang unang asawa. Ang aming ama naman, sa kasamaang palad, ay namatay habang kami ay musmos pa lamang.
Noon pa lang batid na namin ang kawalan. Mahirap maging ulila sa ama pero hindi alintana ng aking ina ang pagpapalaki sa aming magkapatid nang mag-isa. Sa kabutihan ng Diyos, siya ay muling biniyayaan ng katuwang sa buhay – si Papa Nanding; ang taong kumupkop at nagmahal sa amin na parang totoong anak. Hindi kadugo, hindi ka-apilyedo pero ang pagmamahal sa amin ay labis at totoo.
Nagsimulang mangarap sina Papa at Mama sa loob ng aming tahanan, na noon ay gawa ang bubong sa dahon ng kugon samantalang ang dingding ay naipatayo sa pinagtagpi-tagping mga kahoy na coco lumber. Kapag umuulan, damang dama namin ang mga tulo nito sa tuwing nababasa ang sahig ng aming tirahan. Malamig na sahig ang tulugan namin tuwing umuulan. Bata pa lamang ako at musmos kung ituring ay batid ko na ang pakiramdam ng salat sa buhay: walang maayos at ligtas na tirahan.
Ang aming Papa Nanding ay isang magsasaka ngunit walang sariling lupang sinasaka. Siya ay nakiki-tanim kung saan nakakatanggap ng porsyento o “bulibol” sa Ilokano, na siyang ipinambibili naming ng bigas at iba pang pangangailangan. Kung minsan naman, siya ay nagkakarpintero. Ang aming Mama Merlyn ay nagtitinda ng mga gulay. Sa hirap ng buhay, nasubukan kong pumasok sa eskwelahan na walang baon at walang sapat na kagamitan. Ang aking agahan ay siya na ring nagsilbing miryenda ko. “Patibayan na lamang ng sikmura”, iyan ang madalas kong sabi sa sarili. Dumating pa sa puntong binibigyan na lamang ako ng aking mga kaklase ng pagkain maitawid lang ang gutom. Minsan naman kapag walang pasok ay sumasama ako kay Inang Flor, ang mama ni Papa Nanding, para kumuha ng dahon ng niyog. Ito ay ginagawang walis tingting at ibinebenta para magkaroon ng baon; ninanais na sasapat ito upang makapasok sa paaralan.
Higit na naging mahirap ang aming buhay nang ang pamilya ay nadagdagan pa ng tatlong supling. Si Leomar, Mark Leo at ang aming bunso na si Kristel. Sa lumalaki naming pamilya, doble-kayod noon mga magulang namin, lalo na si Papa, upang maibigay ang aming pangangailangan. Lahat ng alam niyang pwedeng pagkakitaan ay ginagawa niya. Sa kabila ng hirap na naranasan, kailanman ay hindi ko nakitang sila’y nanlumo o nalugmok. Kundi, nakita ko ang ka
nilang pagpupursigi, pagsasakripisyo at pagmamahal upang mabigyan kami ng maayos na tirahan, sapat na pagkain at magandang kinabukasan.
ANG PAGBUO PANGARAP
Taong 2009 nang magkaroon ng pagsusuri para sa kalagayan ng aming pamilya. Si Papa at Mama ay duman sa ilang mga interview. Natukoy ang aming pamilya na mahirap ayon sa Listahanan. Kami ay mapalad sapagkat napasali ang aming pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development kung saan kami ay nakakatanggap ng cash grants. Batid nina Mama Merlyn na ang tulong na iyon ay para sa edukasyon at kalusugan naming magkakapatid kaya’t hindi sinayang ang bawat sentimo. Sinuguro nila Mama at Papa na mapupunta ito sa aming pag-aaral. Bagamat hindi ako kabilang sa monitored children ng programa, malaking tulong ang grants na natatanggap para sa mga pangangailangan namin sa eskwelahan.
Naging katuwang ang 4Ps sa pag-aaral naming magkakakapatid. Isang kaginhawaan kung ituring ng aking mga m
agulang ang tulong ng programa sapagakat nabawasan ang kanilang iniisip na gastusin. Nabibili na rin nila ang aming mga kagamitan sa paaralan, gayundin na nagiging sapat ang aming baon sa pang-araw araw.
Nagbukas din ng pinto ang programa upang ang aking Mama ay makalahok sa iba’t ibang programa ng gobyerno. Isa siya sa napiling Parent Leader sa aming barangay. Dahil sa kaniyang kasipagan at bukal na kaloobang maglingkod sa mga kapwa 4Ps, siya ay binigyan ng oportunidad na makapagtrabaho bilang Barangay Health Worker (BHW), kung saan nakakatanggap siya ng honorarium na nagkakahalaga ng P1,300 kada buwan. Dahil din sa kaniyang trabaho bilang BHW, mas lalo na ring natutukan ang kalusugan ng aming pamilya.
Bukod pa rito, si Mama rin ay nakasali sa Sustainable Livelihood Program ng ahensya kung saan ang mga myembro ng asosasyon ay binubuo ng mga kapwa 4Ps sa aming barangay. Dahil dito, nakatanggap siya ng sampung libong piso sa unang cycle para sa hog raising. Sa pangalawa naman ay nagbigyan kami ng puhunang magpatayo ng sariling negosyo at ito ay ang pagbebenta ng feeds. Ang aking Mama at Papa, sapagkat sila ay myembero ng 4Ps, ay nagkaroon din oportunidad na matuto ng vegetable production at free range chicken production sa pamumuno ng Municipal Agricultural Office ng Lokal na Pamahalaan ng Sanchez Mira.
Bukod sa piggery at sa pagtitinda ng feeds¸ ay nagkaroon din kami ng gulayan, na siyang pinagkukunan ng aming tinda at pagkaing gulay. Kami rin ay nag-aalaga ng mga manok na pandagdag din sa kita ng aming pamilya. Sa pamamagitan ng mga livelihood programs na ito at sa mga trainings, unti-unti nang lumago ang aming hanapbuhay. Nakabili na rin ang aming pamilya ng isang tricycle na ginagamit ni Papa Nanding sa kaniyang pagpapasada.
Ang mga Family Development Sessions (FDS) na siyang dinadaluhan ni Mama at ibinabahagi sa amin ay labis na nakatulong, gaya na lamang ng pag-iimpok, pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa tahanan, Gender and Development, at higit sa lahat ay ang
kahalagahan ng edukasyon.
Nang dahil sa 4Ps at sa mga oportunidad na pangkabuhayan para sa aking mga magulang, unti-unti na ring nakapag-impok para sa pangarap naming tirahan. Nakabili kami ng mga materyales ngunit hindi na kami kumuha ng trabahador para sa pagpapatayo nito. Bagkus, sa paggabay ng aking Papa na isang karpintero, kasama ang aking mga kapatid na si Junel, Leomar at Mark Leo, tulong-tulong at kapit-bisig naming ginawa at itinayo ang bahay na gawa sa bakal at semento. Malayong malayo sa noo’y kahoy na tirahan na isinasayaw ng hangin tuwing bumabagyo at umuulan.
Sa pagpapatayo ng aming tahanan ay ang paglago ng aming pangarap. Isang makabuluahang milestone kung ituturing dahil hindi namin mawari kung paano unti-unting umusbong ang aming buhay. At bagamat naipatayo na ang maayos tirahanang inaasam, hindi tumigil ang aming pamilyang mangarap.
EDUKASYON ANG PUHUNAN
Isa sa pangarap na itinanim ng aming mga magulang sa aming puso’t isipan ay ang makapagtapos ng pag-aaral. Ang aking mga magulang ay parehong laki sa hirap at hindi nakapagtapos ng pag-aaral kung kaya’t laging ipinapaalala sa amin na ang edukasyon ang tanging kayamanan na kanilang maipapamana. Sabi nila, mahirap maging mahirap pero mas mahirap kung walang pangarap.
Kung tutuuisin, hindi lamang pangarap ang namana namin sa kanila kundi pati na rin ang kanilang pagsisikap, pagpupurisigi at walang pag-iimbot na pagmamahal para sa isa’t isa.
Nagsumikap akong makapagtapos ng aking pag-aaral sa kursong Bachelor of Science in Agriculture sa Mariano Marcos State University. Hindi naging madali ang aking pag-aaral pero sa awa ng Diyos, ako ay nakapagtapos at isa ng ganap na registered agriculturist.
Pero hindi dito natatapos ang aking mga pangarap. Bagamat isa na akong graduate, sinikap kong palaguin ang sarili upang magkaroon ng maayos na trabaho upang sa ganun ay matulungan ko rin ang aking mga kapatid. Ako ngayon ay isang Account Officer I sa Ilocos Consolidated Cooperative Bank- Sanchez Mira Branch, samantalang ang aking pangalawang kapatid na si Junel naman ay nagtatrabaho bilang Security Agent sa aming opisina. Si Leomar naman ay nakapagtapos sa kursong Bachelor of Science in Agricultural and Bio-system Engineering sa Cagayan State University (CSU) nito lamang Hulyo, 2023. Ang pang-apat naman na si Mark Leo ay kasalukuyang 4th year college student at kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Information Technology. Ang aming bunsong si Kristel ay nasa senior high school na rin.
Katulad ng marami, ang 4Ps ay naging daan upang makapagtapos kami ng pag-aaral ni Leomar sapagkat sa pamamagitan ng programa, nagkaroon kami ng mga scholarships. Bukod dito, kami rin ay nagkaroon ng oportunidad na hasain ang aming kaalaman sa agrikultura, gaya na lamang ng mga trainings para sa Oyster Mushroom Production. Ang naturang kaalaman ay nagamit namin upang magpatayo ng sariling laborartoryo sa aming bakuran kung saan namin pinapalago ang mga kabute. Ito na ngayon ang pangunahing pinagkakakitaan ng buong pamilya. Ang aming kaalaman sa mushroom production ay amin ring ibinabahagi sa aming mga kababayan upang sila rin magkaroon ng pinagkukunang yaman.
Naging inspirasyon ito para sa aking kapatid na si Leomar na gumawa ng isang bagging machine na makakatulong sa produksyon ng mushroom. Ang nasabing makina ay ang kaniyang undergraduate thesis kung saan siya ay ginawaran ng “RESEARCHER OF THE YEAR” sa kanilang eskwelahan tampok ang kaniyang imbento. Sa kaniyang husay at galing, siya rin ay nanalo bilang Provincial Winner sa ginanap na Young Farmer’s Challenge ng Kagawaran ng Agrikultura at kamakailan lamang ay nakapasa sa board exam para sa Agriculture and Bio-systems Engineers.
PATULOY ANG PANGARAP
Marami ng pangarap ang natupad para sa pamilya. Sa ngayon, masasabi na naming kaya na naming tumayo sa aming mga sariling paa dahil naging pundasyon namin ang aming mga pangarap, kasabay ng pagpupursigi, pagsusumikap at matibay na pananalig sa Diyos. Ngunit, hindi rito natatapos ang lahat. Patuloy na umuusbong ang aming pangarap na makatapos ng pag-aaral ang aking mga nakababatang kapatid at magkaroon din ng magandang trabaho. Gaya ng pagtatayo ng aming munting tahanan, sama sama kami sa pagtaguyod ng mga ito.
Isa rin sa pangarap namin ay ang pagpapalago ng aming mushroom production, partikular ang pagpapakete ng aming mga produkto. Ito ay kasalukuyang tinatrabaho ng Lokal na Pamahalaan ng Sanchez Mira at tinutulungan kaming maiugnay ang aming start-up business sa Department of Trade and Industry at sa iba pang mga negosyo at organisasyon. Sa katunayan, sa ilalim ng Public Employment Service Office o PESO at sa pakikipag-ugnayan ng lokal ng pamahalaan sa Department of Labor and Employment, ang aming pamilya ay nabigyan ng Mushroom Starter Kit na makakatulong sa pagpapalago ng aming produksyon, kasabay nito ang pagtulong sa mga kapwa 4Ps na sila rin ay magkaroon ng hanapbuhay. Katulad ng pagtulong sa amin ng programa, nais din naming makatulong sa kanila upang makatawid mula sa kahirapan.
Sa pagtutulungan at patuloy na pagsusumikap, napatunayan naming na walang forever sa pagiging mahirap. Sa tulong ng 4Ps at iba pang programa ng gobyerno, binigyan kami ng kakayahan na hindi lamang mangarap kundi palaguin ang aming sarili, pamilya at ang aming komunidad.
Habang binabaybay ko ang mabatong daan papasok sa aming barangay ay tanaw na tanaw ko mula sa malayo ang aming munting tirahan kung saan nagsimula, nabuo at patuloy na umuusbong ang aming mga pangarap. Masasabi kong, malayo pa pero tanaw ko na. Malayo pa pero malayo na.