NUEVA VIZCAYA – Sa kauna-unahang pagkakataon, isinagawa ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos (DSWD FO2), katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Aritao, ang ceremonial graduation para sa 120 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong ika-15 ng Marso,2024.
Naging saksi sa nasabing graduation sina Regional Director Lucia Suyu Alan, Mayor Remelina Peros – Galam, Vice Mayor Jayson Ferrer, OIC-Municipal Social Welfare and Development Officer Marlon Guzman, at iba pang mga partners at myembro ng Local Advisory Council.
Ang nasabing aktibidad ay kulminasyon hindi lamang ng pinagsamang lakas ng mga nasabing ahensya at ng ibang mga partners, kundi ito rin ay pagpaparangal sa mga tagumpay at pagsisikap ng mga pamilyang nangarap na iahon ang kanilang buhay mula sa kahirapan.
Isa na si Alma Martin, 55 taong gulang, sa mga pamilyang nakatawid mula sa laylayan. “Malayo sa kabihasnan,” kung kaniyang ilarawan ang noo’y itsura ng kanilang lugar sa Barangay Ocao- Capiniaan dahil sa kakulangan sa elektrisidad at teknolohiya, gayundin ang payak at hirap ng kanilang pamumuhay. Ang mga tanim na kamote, saging at gabi ang pumupuno sa kanilang nagugutom na kalamnan. Ang mga donasyon na in-kind gaya ng tsinelas at mga gamit sa paaralan ay inilalaan para sa kanilang mga anak. Bagama’t sagana sa tanim na gulay at “tiger grass” ay hindi rin sasapat upang matugunan ang kanilang pangangailangan, lalo na ang pag-aaral ng kaniyang dalawang anak.
Kaya nang mapabilang ang kanilang pamilya sa 4Ps, gayundin ang ilan sa kanilang ka-barangay, ay tila nagkaliwanag ang noon ay madilim nilang pamayanan. Unti-unting umusbong ang kanilang pamumuhay dahil sa ilang mga oportunidad na bumukas para sa kanila.
Naging katuwang ang 4Ps para sa edukasyon ng mga anak ni Alma. Ang kaniyang panganay ay magtatapos ngayong taon ng kursong nursing, samantalang ang kaniyang bunsong anak ay kasalukuyang nag-aaral ng Agricultural Engineering.
Bukod sa tulong pinansyal para sa kaniyang mga anak, nagkaroon siya, sampu ng kaniyang mga kasama, ng pagkakataong hasain ang kanilang pinagkukunang yaman, ang tiger grass; kung saan nag-organisa ng isang asosyasyon sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program, isang programa rin ng DSWD, upang mapalago ang kanilang kabuhayan. Sa tulong na rin ng LGU at ng iba pang partner gaya ng Department of Trade and Industry, nagbukas ng maraming pinto ng oportunidad para sa kanilang asosyon upang sila ay maging supplier ng kanilang mga produkto gaya ng walis tambo na naging pangunahing kabuhayan.
“Mula sa 4Ps na kabilang ang aming pamilya, isa sa mga nakatulong sa aming pamilya ay ang pagsali sa Sustainable Livelihood Program na ‘Tiger Grass” Production Association na ako ang naging Presidente. Ang association na ito ang isa sa mga naging sagwan ng aming pamilya. Ang buhay naming noon ay parang isang bangka. Para kaming nasa gitna kami ng karagatan – sasabay kung saan dalhin ng alon at hangin; walang isang direksyon. Ngunit, dahil sa programa ng gobyerno na 4Ps at SLP unti-unti naming natutunan sumagwan sa alon ng buhay.”
Sa ngayon, bagama’t aalis na sa 4Ps, hindi matatawaran ang pasasalamat ng kanilang pamilya at ng iba pang graduates para sa programang naging kaagapay nila sa hirap ng buhay. Kung mayroon silang isang babaunin sa kanilang paglisan sa programa, iyon ay ang pangarap na panatilihin ang estado ng buhay at patuloy na palaguin ito para sa kanilang pamilya at sa komunidad. Sa kanilang paglisan sa programa, mananaitling kaagapay ang lokal na pamahalaan sa patuloy na pagsagawan sa alon ng buhay.
#BawatBuhayMahaagaSaDSWD