BATANES – Matapos ang ilang taong pagpupulong at pagpapagal, pormal nang inulunsad ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa probinsya ng Batanes sa ginanap na ceremonial launching noong ika-15 ng Abril, 2024.

Ang Batanes ang pinakahuling probinsya sa bansa na nagkaroon ng 4Ps, kung saan mayroong 297 na aktibong benepisyaryo na rehistrado sa ilalim ng Set 12.

Isa sa pangunahing parte ng aktibidad ang pagpirma ng Specific Implementation Agreement (SIA) sa pagitan ng DSWD Field Office 2 at ng pamahalaang panlalawigan ng Batanes, lokal na pamahalaan ng Basco, Ivana, Mahatao at Uyugan.

Laman ng SIA ang mga responsibilidad at tungkulin ng mga LGUs upang tiyakin ang mabisa at epektibong pagpapatupad ng programa sa kani-kanilang mga munisipalidad.

Kasama sa nasabing selebrasyon sina Assistant Secretary for National Household Targeting System for Poverty Reduction and 4Ps Marites Maristela, Regional Director Lucia Alan, Governor Marilou Cayco, House Representative Ciriaco Gato Jr., ang mga Municipal Mayor na sina German Caccam, Celso Battalones, Pedro Poncio at Jonathan Enrique Nanud Jr., Landbank of the Philippines Basco Manager Joseph Caliguiran at iba pang mga partners mula sa National Government Agencies at private organizations.

Pahayag ni Governor Cayco, “Bagamat hindi nakakatuwa na mayroong mahihirap sa Batanes, mas hindi naman maaring pabayaan nalang sila.  Dahil higit sa lahat, mas sila dapat ang bigyang pansin ng pamahalaan.”

Pinaabot din niya ang pasaslamat sa pamunuaan ng   departamento, Secretary Rex Gatchalian, sa patuloy na pag-agapay sa probinsya ng Batanes.

Gayundin, nagpahayag ng mensahe ng pagsuporta si Rep. Gato sa programa at hinikayat ang mga benepisyaryo na gawin ang kanilang parte upang maging matagumpay ang implementasyon ng 4Ps.

Kasabay ng aktibidad, nagsagawa din ng seremonyal na pagbibigay ng cash cards para sa  170 na benepisyaryo mula sa Basco, Ivana, Mahatao at Uyugan.  Laman ng mga ito ang kanilang grants para sa ika-apat at ika-limang payment period.

Paghihikayat naman ni Asst. Sec. Maristela para sa mga partners, “Let us take ownership of the program as it is our commitment to ensure that every poor family has the chance and shall definitely be able break the intergenerational cycle of poverty through 4Ps and along with your support.”

Inaasahan namang maipapaabot ang cash card sa bayan ng Sabtang sa mga susunod na araw.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD