BATANES – “Sa wakas! May 4Ps na sa Batanes.” Ito ang maiyak-iyak na pahayag ni Governor Marilou Cayco nang unang magsagawa ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos (DSWD FO2) ng distribusyon ng cash cards sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) bilang opisyal na simula ng programa sa lalawigan.

Kasama sina Gov. Cayco, Landbank of the Philippines – Basco Manager Joseph Caliguiran, at Batanes Electric Cooperative General Manager Victoria Mata, iginawad ng ahensya ang cash cards sa 91 na benepisyaryo mula sa Itbayat noong ika-13 ng Abril.

Kung matatandaan, Marso noong nakaraang taon nang unang inilunsad ang Listahanan 3 sa Batanes laman ang talaan ng mga mahihirap na sambahayan sa lalawigan. Mula sa nasabing datos, nasa 562 ang bilang ng mga mahihirap na pamilya.

Gayundin, hiniling ng Gobernador mula sa pamunuan ng ahensya ang pagsasagawa ng pagsusuri sa mga natukoy na mahihirap na pamilyang upang sila ay mapabilang sa 4Ps.

Tinatayang nasa 297 na aktibong benepisyaryo na napabilang sa ilalim ng set 12 ng programa.

Samantala, magsasagawa naman ng distribusyon ng cash card sa iba pang mga bayan sa Batanes sa ika-15 at 16 ng Abril.

Ang Batanes ang pinakahuling lalawigan sa bansa na nagkaroon ng benepisyaryo ng 4Ps.

Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay isang programa ng pamahalaan  na naglalayong magbigay ng kondisyonal na cash transfer sa mga pamilyang nasa kahirapan. Sa ilalim ng programa, ang mga pamilyang kwalipikado ay nakakatanggap ng financial assistance kung matutupad nila ang ilang kondisyon, kabilang na ang regular na pag-aaral ng mga anak sa paaralan at ang pagsunod sa mga programang pangkalusugan.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD