CAGAYAN – Hindi napag-iwanan ang Calayan sapagkat sa kauna-unahang pagkakataon, isinagawa ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos (DSWDFO2) ang seremonyal na pagtatapos ng nasa 79 na pamilya mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong ika-22 ng Mayo, 2024.
Ang nasabing seremonya na pinamagatang Pammadayaw na Paggradua na Pantawid Pamilya ay naglalayong kilalanin ang tagumpay ng mga pamilyang umangat mula sa laylayan ng kahirapan at ngayo’y maituturing na “self-sufficient” ang kanilang antas ng pamumuhay.
Masayang naibahagi ni Joy Abuyuan Conde mula sa Barangay Balatubat ang kwento kung paano nakatulong ang ahensya sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng programang 4Ps at ng Sustainable Livelihood Program. Ilan sa mga naibahaging tagumpay ng pamilya ay ang paglago ng kanilang kabuhayan na ngayo’y umuusbong – gaya ng babuyan, manukan at ang pangingisda. Isang tagumpay rin ang pagpapaunlad ng kanilang sarili kung saan ang kaniyang asawa ay kasalukuyang nanunungkulan bilang pinuno ng kanilang barangay.
Dahil dito, nagpasya ang mag-asawa taong 2022 na mag-waive mula sa programa upang mabigyan din ng oportunidad ang iba pang mahihirap na pamilya, at ngayon sila’y naging kabilang sa 79 na nagmartsa sa kanilang pagtatapos.
Para kay Joy, “ti maibagak laeng kadagiti padak nga 4Ps, haan nga umanay nga agur uray tayu laeng ti tulong ti gobyerno. Kasapulan met Apu nga tulungan tayu iti bagbagi tayu. Ti kunadan, “Awan nam-ay no awan rigat”. Mas nasamsam-it nga gun-uden dagiti banag nga nagrigatan.”
[Ang masasabi ko sa mga kapwa ko 4Ps ay hindi sapat na naghihintay tayo sa tulong na gobyerno. Mas mainam na tinutulungan natin ang ating sarili dahil kung walang tiyaga, walang nilaga. Mas masarap na namnamin (ang tagumpay) kung ito’y pinaghihirapan.]
Gayundin, pinarangalan ng ahensya ang apat (4) na mga benepisyaryo na nakapagtapos sa kanilang pag-aaaral sa kolehiyo.
Samantala, namahagi naman ng tulong na nagkakahalaga ng P3,500 si Mayor Joseph Llopis para sa mga graduates at nangakong patuloy na aalalayan ang mga pamilya bagamat sila na aalis mula sa programa.
Kasama din sa pagdiriwang sina Municipal Social Welfare and Development Officer Learnie Miguel, Provincial Link Carla Balauag, Regional Case Manager Maybelene Nevad, Institutional Partnership Development Officer for LGU Bryan Allayban at iba pang mga kawani ng DSWD FO2 at ng lokal na pamahalaan.
Ang Calayan ang natatanging munisipalidad na matatagpuan sa Babuyan Group of Islands sa hilaga ng Cagayan at mayroong 1370 na aktibong benepisyaryo base sa datos.