Bata pa lamang ako, batid ko na ang hirap ng buhay. Noong ako ay nasa ikatlong baitang sa elementary, minsan kaming nanirahan sa bukid. Malayo sa kabihasnan at mga tanim na gulay at huni ng mga insekto ang bumubungad sa aming paligid. Sabi ng aking ama, ito raw ay para makatipid dahil wala kaming pambayad sa kuryente. Ngunit sa katotohanan, ito ay upang hindi kami mainggit sa mga batang bumibili ng masarap na miryenda sa tabi ng daan, pagsapit ng hapon pagkatapos ng klase.
Nasanay na ang aming sikmura sa mais, kamote o saba ng saging na ginawang kanin. Ang aking mga magulang ay simpleng magsasaka at tindera ng mga gulay at prutas. Minsan, naghangad ang aking kapatid ng palay na kanin ngunit sa hirap ng buhay, hindi ito naibigay ng aking ama. Iyon ang unang pagkakataong nakita kong tumulo ang kaniyang mga luha at kumirot ang aking dibdib nang masaksihan ko ang realidad ng buhay.
Nagsimula akong mangarap na balang araw hindi na lamang mais, kamote o saging ang laman ng hapag kaya nagsikap akong mag-aral. Noong ako ay marunong ng mag-addition at subtraction, sinikap kong magtinda ng santol, mangga, mais, langka at iba pang karaniwang prutas at gulay na nakukuha sa mga puno sa paligid upang makatulong sa aming mga magulang. Kapanahunan ng kasikatan ni Judy Ann Santos noon nang ako ay nagtitinda kaya ako ay nabansagang Judy Ann Santol dahil sa paglalako ng mga prutas.
Ang pagsasaka sa aming maliit na bukirin, pangunguha ng puso ng saging at pagtatanim ng gulay ang naging hanapbuhay ng aming mga magulang. Isang kalderong kanin para sa isang latang sardinas ang aming ulam na pinaghahatian naming lima, at kung nakaluluwag naman ay Fresca tuna ang aming tanghalian.
Nagtapos ako sa elementarya bilang panglima (Fifth Honor) sa aming klase. Noong ako ay nasa sekondarya, hindi naging madali ang aking pag-aaral dahil na rin sa panloloko at pang-aapi sa akin. “Walang makakatapos na Guillermo dahil mahirap lang kayo.” Iyan ang madalas kong naririnig mula sa ibang tao. Buhangin ang laman ng aming mga bulsa para sa tuwing kami ay nilalait ng iba, ay may dala kaming armas. Hindi rin ako nakikilahok sa mga extra-curricular activities dahil wala kaming pambayad.
Dummakkil kami iti kinanayon panagbaga iti nagannak me nga agadal kami ta isu lang iti maipatawid da kadakami nga uray sinno awan makaagaw.
Lumaki kami na patuloy na sinasabi sa amin ng aming mga magulang na mag-aral dahil iyon lang ang maipapamana nila sa amin na walang sinuman ang makakaagawa nito; at upang hindi namin manahin ang hirap na aming nararanasan. Iyon ang aming motibasyon na kahit wala kaming baon, nanatili kami sa paaralan. Nag-aaral kami sa umaga, nagpipitas ng mais sa gabi at nagtatrabaho tuwing Sabado at Linggo upang maipagpatuloy ang aming pag-aaral.
Holdaper
Kaya ganon nalamang ang pasasalamat namin nang kami ay napabilang sa mga benepisyaryo Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) taong 2014. Napakalaking tulong sa amin na kami ay napabilang sa mga miyembro ng 4Ps lalong lalo na sa baon naming magkakapatid. Ako ay nakapagtapos bilang third honorable mention sa sekondarya. Naalala ko noong araw ng aming pagtatapos, naupo ang aking itay sa likuran dahil sa siya ay nahihiya dahil kami ay mahirap lamang. Ngunit, sa pagsabit ng aking medalya, ramdam ko ang kaniyang saya. Naibsan ang mga pagod at hirap na kanilang naranasan.
Noong ako ay pumasok sa kolehiyo, doon ko mas naranasan ang hirap ng isang pagiging mahirap, na ang pag-aaral ay tila isang sugal na itataya lahat ng mayroon para lamang makapagtapos ng pag-aaral. Lahat ginawa ng aking mga magulang – magtrabaho mula umaga hanggang gabi, Lunes hanggang Linggo, at lahat ng pwedeng gawin para lang makapagbigay para sa aking pag-aaral. Mula sa kinita sa pagtitinda ng saba, puso ng saging, mais, maging ang ilang grants na natanggap mula sa programa lahat ay napunta para sa panustos ng aking pangangailangan. Kaya tuwing ako ay umuuwi sa aming barangay, sinasabi ng mga kapitabahay na “nakauwi na ang holdaper” dahil lahat ng pagpapagal ng aking mga magulang ay napunta sa akin. Dumating sa puntong gusto ko nang tumigil sa pag-aaral ngunit sinabi sa akin ng aking ama na kung hindi ko itutuloy ang aking pag-aaral ay parang pinatunayan kong totoo nga ang sinasabi ng iba na walang makakatapos na Guillermo dahil mahirap lang kami.
Hindi ko hinayang mapunta sa wala ang sakripisyo ng aking mga magulang. Dahil na rin sa 4Ps, ako ay naging scholar ng Expanded Student Grant-in-Aid Program for Poverty Alleviation o ESGPPA na naging daan upang maging magaan ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Buwan buwan ay tumatanggap ako ng P3,000 to P4,000. Gayundin, noong taong 2018, nagpasya akong tumakbo bilang isang SK Chairperson dahil hangad ko na makatulong sa aming baragay. Pinagsabay ko ang pagiging SK Chairperson at estudyante noong ako ay 4rth year college. Sa awa ng Poong Maykapal, ako po ay nakapagtapos noong April 05, 2019 sa aking pag-aaaral sa kolehiyo sa Kursong Batsilyer ng Edukasyon sa Matematika na may Sertipiko sa Pagtuturo ng Mababang Antas sa Sekondarya at sa kabutihang-palad naipasa ko ang September 2019 Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT).
Hindi rin naging madali ang buhay noong napasa ako ng LET. Dahil sa pangangailangan naming pangpinansiyal ako ay nag-apply bilang isang guro sa Special Learners’ Therapy Center (SLTC – Cauayan). Sinubok ang katatagan ng aming pamilya noong nagkasakit kami ng tatay ko. Ngunit, hindi kami pinabayaan ng city official ng Cauayan at ng SLTC. Sa ngayon, ang aking pangalawang kapatid ay isa ng branch mechanic sa ACT Machineries at ang bunso naman ay kasalukuyan ding nagtretraining bilang mekaniko sa ACT Cauayan. Sa ngayon, isa na akong Municipal Link sa munisipalidad ng Angadanan sa Isabela.
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay naging daan upang makatapos ako ng pag-aaral na minsang pinangarap ng aking ama. Banggit niya, “haan ko ammo no napagraduate kayo ngata no awan iti tulong iti 4Ps” (Hindi ko alam kung [paano] kayo mapa-graduate kung wala ang 4Ps.) Hindi sapat ang salitang salamat o thank you sa lahat ng tulong ng programa sa aming pamilya. Hindi ko pa masasabing ako ay successful na dahil hindi ko pa naibibigay ang van na pangarap ng aking tatay ngunit ang masasabi kong malayo pa pero nakalayo na.
Sa pagmartsa ko ng aming pamilya paalis sa programa, ay ang paghandog ko ng medalya para sa aking mga magulang -medalyang nagsisilbing prutas ng aming mga pangarap. Dahil sabi nga nila, mahirap ang maging mahirap pero mas mahirap kung hindi ka magsusumikap. ###
(Ang kwento ay isinulat ni Judy Ann Guillermo, dating benepisyaryo ng 4Ps na ngayon isa ng Municipal Link. Ang kaniyang kwento ay naibahagi niya sa ginanap na Pugay Tagumpya “Panagdayaw ti Panaggraduar ti Pantawid Pamilya” sa siyudad ng Cauayan, Isabela noong ika-30 ng Abril, 2024).