ISABELA – Pormal na purmima ng kontrata bilang regular contract employees ang sampung (10) benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) bilang tanda ng kanilang paninimula sa trabaho sa Lokal na Pamahalaan ng Cabagan, sa pangunguna ni Mayor Christopher Mamauag noong ika-11 ng Hunyo, 2024.
Matatandaang noong ika-4 ng Hunyo nang sumabak sa interbyu ang mga aplikante na personal na pinangunahan ni Mayor Mamauag. Sa araw ding iyon, naibahagi ng Mayor na sila ay tanggap na sa trabaho at binigyan ng orientasyon sa kanilang trabaho at sa opisina kung saan sila mapapabilang.
Isa si Pamela Taguinod sa mapalad na nabigyan ng trabaho ng lokal na pamahalaan. Siya ay pangalawang anak nina Peter at Judith Taguinod. Siya ay graduate ng Bachelor in Elementry Education at kamakailan lamang ay nakapasa sa March 2024 Licensure Examination for Teachers.
Ani niya, “Sobra akong nagpapasalamat sa 4Ps dahil isa itong naging instrumento upang makapagtapos ako ng pag-aaral. Gayundin sa LGU Cabagan sa pamumuno ni Mayor Christopher Mamauag sa oportunidad na makapagtrabaho at makatulong sa aking mga magulang.”
Ang nasabing employment ng mga 4Ps beneficiaries ay parte ng interbensyon ng LGU bilang suporta sa implementasyon ng programa upang matulungan ang mga ito na maiangat ang kanilang antas ng pamumuhay.
Sa pakikipag-ugnayan ng Municipal Action Team ng Cabagan, umabot na sa 13 na mga benepisyaryo ng 4Ps ang nagtatrabaho sa lokal na pamahalaan.