Bata pa lamang ako, matayog na ang aking mga pangarap—ang makapagtapos ng pag-aaral, makaahon sa kahirapan at maging isang guro balang araw. Ipinangako ko sa sarili na gagawin ko ang lahat upang maiangat ang aming buhay mula sa kahirapan. Ang pagnanais na ito ay hindi lamang para sa akin kundi pati na rin para sa aking mga magulang.
Sa aming munting bahay sa Luttuad, Diffun, Quirino, pinagsasaluhan naming pamilya ang bawat hinagpis at tagumpay. Ang aming Tatay Celso ay isang magsasaka at ang aming Nanay Edna naman ay isang mabuting maybahay. Sa bawat umaga, nakikitang pumupunta ang aming ama sa bukid upang magtrabaho, at sa tuwing gabi, nakikita namin ang pagod sa kanyang mga mata. Ang bawat butil ng kaniyang pawis ay naglalaman ng pangarap at ang pag-asa na sana balang araw ay mababago ang aming kapalaran.
Hindi biro ang pinagdaanan namin. Isang malaking hamon para sa aming pamilya ang pag-aralin kaming lima nang sabay-sabay sa kabila ng kapos na kita. Ang kinikita nila mula sa maliit na sakahan ay hindi sapat para sa aming pangangailangan. Madalas, nakiki-arawan pa ang aming tatay para lamang magkaroon ng pangtustos sa araw-araw naming gastusin.
May araw din noon na kaming buong pamilya ay pumupunta sa bukid at nakikiarawan para lang may maibigay sa aming pag-aaral. Dahil sa kahirapan, ang pangatlo naming kapatid ay kinuha ng aming lolo at lola sa Ilagan City, Isabela para doon niya ipagpapatuloy ang kanyang pag-aaral mula Grade 9 hanggang Grade 11. Naranasan din ng aming mga magulang ang panduduro ng mga napag-utangan nila dahil wala na silang pambayad sa mga kanilang utang. Ngunit sa bawat hakbang na aming ginagawa, mayroong isang bagay na hindi nagbago—ang aming determinasyon na tuparin ang aming mga pangarap.
Tila naaninag ang isang liwanag sa gitna ng dilim at unos ng kahirapan nang ang aming pamilya ay naging bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Sa tulong ng programa, nabigyan kami ng pag-asa at lakas ng loob na harapin ang hamon ng buhay. Sa tulong ng 4Ps, naging posible ang pagpapatuloy ng aming edukasyon. Ang mga naipon namin sa pakikipag-arawan sa bukid at ang mga grants na natatanggap sa 4Ps ang siyang pinambabayad namin sa kakailanganin sa paaralan.
Sa awa ng Diyos, ang panganay namin na si Cris Ann ay nakapagtapos ng Bachelor of Secondary Education noong April 2017 at nakapasa rin sa kanyang Board Exam noong September 2017. Siya ay kasalukuyang nagtuturo na sa Ricarte Norte Elementary School. Ang pangatlo naman na si Cherry Ann ay nakapagtapos ng Bachelor of Science in Office Administration noong taong 2022 at kasalukuyang nagtratrabaho sa isang private company sa Cabarroguis, Quirino. Ang pang-apat naman naming kapatid na si Mary Grace ay nasa ikatlong taon na rin sa kolehiyo na kumukuha ng Bachelor of Elementary Education. Ang bunso na si Celso Jr., ay nasa Grade 7 na din. Ako naman ay nakamit ang aking pangarap na maging isang guro. Ngayon, ako ay isang ganap na guro sa Ammungawen Elementary School.
Ang aming kwento ay hindi lang tungkol sa tagumpay, ito ay kwento ng pag-asa at pagkakaisa. Sa bawat patak ng pawis at bawat butil ng luha, nakita namin ang halaga ng determinasyon at pagmamahal sa pamilya. At sa bawat tagumpay na aming narating, alay namin ito sa aming mga magulang at sa mga taong naniniwala sa aming kakayahan.
Laking pasasalamat ng aking mga magulang sa Panginoon dahil ibinigay niya ang programang ito para sa aming mga mahihirap. Napakaimposible man pero kulang na lang para kami ay mamalimos sa sobrang hirap ng buhay, ngunit hindi kami nagpatinag sa hirap at hamon ng buhay. Sa bawat araw na lumipas, unti-unti kaming sumusulong patungo sa aming mga pangarap. Sa tulong ng 4Ps, hindi lamang ang aming mga pangarap ang natupad, kundi ang pag-asa ng aming pamilya. Ang aming kwento ay patunay na sa gitna ng kahirapan, mayroong liwanag ng pag-asa na naghihintay sa dulo ng aming mga pangarap.