CAGAYAN – Natanggap na ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang tulong pinansyal mula sa UNICEF sa ilalim ng Emergency Cash Transfer (ECT), bilang bahagi ng pagsuporta sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Pepito.
Ang mga benepisyaryo ay napili mula sa mga munisipalidad na labis na naapektuhan ng kalamidad, partikular ang mga pamilyang may mga anak na may edad 0–5 taong gulang.
Bawat pamilyang benepisyaryo ay tumanggap ng one-time grant na nagkakahalaga ng ₱6,700. Ang ayuda ay naglalayong tugunan ang kanilang agarang pangangailangan at makatulong sa muling pagbangon mula sa epekto ng sakuna.
Isa sa mga nakatanggap ng tulong ay si Estela Tumbali, 26 taong gulang, isang katutubong benepisyaryo mula sa Mabini, Baggao, Cagayan, na lubos na naapektuhan ng bagyong Pepito.
Ayon kay Estela, “Malaki ang pasasalamat ko sa DSWD at UNICEF sa tulong pinansyal na ibinigay nila sa amin. Dahil dito, nabilhan ko ang aking mga anak ng vitamins, gatas, at iba pang kailangan nila sa school.”
Sa kabuuan, nasa 2,122 na benepisyaryong 4Ps mula sa Cagayan ang nakinabang sa tulong pinansyal na ito mula sa UNICEF.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD