4Ps #KAKAIBA-baihan Features | Sa mga kababaihang tulad ni Gng. Ronalyn Caluya, ang salitang “suko” ay hindi bahagi ng kanilang bokabularyo. Sa kabila ng mga unos at pagsubok, patuloy silang lumalaban at patuloy na nagpapakita ng tapang at determinasyon.

Si Gng. Ronalyn, 42 taong gulang mula sa Burgos, Cabarroguis, Quirino, ay isang patunay sa kakayahan ng isang kababaihan na harapin ang anumang hamon sa buhay. Bilang isang solo parent na nag-iisa ring nag-aalaga sa kaniyang dalawang supling, pinili niyang magpakatatag at labanan ang kahirapan upang matugunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

Sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Programa, nagkaroon siya ng oportunidad hindi lamang upang makapagsimula ng mga livelihood activities, kundi pati na rin ang paglinang ng kaniyang kakayahan sa pamamagitan ng iba’t ibang mga training at pagsasanay. Sa pamamagitan ng mga ito, unti-unti niyang natutunan ang mga bagong kaalaman at kakayahan na nagbigay daan sa kanyang pag-usbong at pag-angat mula sa kahirapan.

Sa kasalukuyan, siya ay nagsisilbing presidente ng Cabarroguis Integrated Livelihood Association o CAILA, isang organisasyon na nagsimula sa ilalim ng Enhanced Support Service Intervention (ESSI) ng DSWD. Sa pamamagitan ng pagiging bahagi ng organisasyon na ito, nagkaroon siya ng pagkakataon na hindi lamang maisakatuparan ang kanyang mga pangarap, kundi pati na rin na magturo at magbigay inspirasyon sa iba pang mga miyembro ng komunidad.

Sa bawat hakbang na kanyang ginagawa, patuloy na pinatutunayan ni Gng. Ronalyn na ang bawat kababaihan ay may kakayahan na magtagumpay at mag-ambag sa pag-angat ng kanilang pamilya at komunidad. Ang kanyang kwento ay patunay na sa kabila ng mga hamon, mayroong liwanag sa dulo ng madilim na daan — isang liwanag ng pag-asa at tagumpay.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD