Sa unang silakbo ng araw, nagniningning na ang ilaw sa tahanang Bermas sa Baliuag, Peñablanca, Cagayan. Si Rowena, tulad ng ibang ina, ay abala sa paglilinis at paghahanda ng agahan para sa kaniyang mga anak. Samantalang si Ramir, ang kanyang asawa, ay nag-iigib ng tubig mula sa paanan ng burol patungo sa kanilang tahanan. Maaga silang gumigising upang makapagsimula sa kanilang mga trabaho sa alas kwatro ng umaga.

Si Rowena ay isang utility worker samantalang si Ramir ay isang construction worker. Isang pagpapala para sa kanila ang kanilang mga trabaho dahil hindi lamang ito bunsod ng kanilang kasipagan, kundi tinuturing nilang isang pribilehiyo. Sila ay kapwa nagsisilbi sa Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan Rehiyon Dos o DSWD Field Office 2 – ang kagawarang nagsisilbing tanglaw ng kanilang tahanan. Nang dahil sa DSWD at sa mga programa nito katulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, unti-unting nagkaroon ng liwanag ang kanilang buhay.

Hikaos, salat sa pagkain at tila “isang kahig, isang tuka” kung ilarawan ang buhay ng pamilyang Bermas bago naging benepisyaryo ng 4Ps. “On-call” ang trabaho ng mag-asawa noon dahil nagkakaroon lamang ng pinagkukunang yaman ang mga ito sa tuwing may tumatawag para maging “extra” sila sa pagtatanim, paglalaba at iba pang mga gawain.

Kaya laking tuwa ni Rowena nang mapabilang ang kanilang pamilya sa nainterbyu noong 2019 upang mapabilang sa 4Ps. Bagama’t naghintay din ng ilang taon bago tuluyang matanggap ang unang grants, dumating naman ang ibang pagpapala nang siya ay makapasok bilang isang utility worker ng DSWD sa pamamagitan ng Itawes Manpower Services Corp. Hindi rin nagtagal, nagkaroon din ng oportunidad ang kaniyang asawa na magtrabaho sa DSWD bilang “mason”. Kabilang sa trabaho ni Ramir ay ang pagsasaayos ng ilan sa mga pasilidad ng ahensya gaya ng Crisis Intervention Unit, pagtatayo ng compost pit at iba pa.

Ang unang cash grant na natanggap ng pamilya Bermas ay nagamit para sa pangangailangan ng kanilang ikatlong anak. Ayon kay Rowena, mahalaga ang edukasyon ng mga anak kaya’t ito ang kanilang prayoridad. Bukod dito, ang kanilang sahod ay nakatulong din upang unti-unting makapagbayad ng utang at makapag-ipon para sa kanilang pamilya.

Higit sa lahat, ang pinaka-ikinakataba ng kaniyang puso ay pagkakataong ibinigay sa kaniya upang maglingkod sa mga katulad niyang benepisyaryo at kliyente ng programa.

“Hindi lang ako naglilinis at nag-aayos dito sa DSWD. Kung minsan, inaakay ko ang mga kliyente at mga senior citizens na kukuha ng kanilang ayuda. Masaya ang puso ko na makatulong sa iba, katulad ng pagtulong sa akin ng ahensya.”

Malayo pa ang pamilyang Bermas mula sa kanilang pinapangarap na buhay. Ngunit, ikinakataba ng puso ni Rowena na kahit papaano ay unti-unting sumusulong ang liwanag sa kanilang munting tahanan. Sa tulong ng ahensya, maraming oportunidad ang bumukas at mga  pintuan ng pag-asa ang nagsilbing gabay sa kanilang landas.