Si Marvin Ramos, 23, ay isang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), isang programang tumutulong sa mga pamilyang nangangailangan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pinansyal na suporta. Sa tulong ng 4Ps, natugunan ni Marvin at ng kanyang pamilya ang kanilang mga pangangailangan sa edukasyon at kalusugan. Ang tulong na ito ang naging susi sa kanyang tagumpay bilang isang ganap na Licensed Professional Teacher.
Ang pamilya ni Marvin ay namumuhay nang payak at tahimik sa Masi, Rizal, Cagayan. Sila ay umaasa sa biyaya ng agrikultura para sa kanilang kabuhayan. Dahil sa kanilang kalagayan, nag-aral si Marvin sa bundok ng Zinundungan Valley sa Rizal, Cagayan, isang lugar na puno ng hamon ngunit nagbibigay din ng inspirasyon sa kanya upang magpursigi. Sa kabila ng mahirap na kalagayan, hindi siya nawalan ng determinasyon at pananampalataya sa Diyos. Sa kanyang kasipagan, kinilala siya bilang isa sa mga awardee noong high school, kung saan siya ay nakatanggap ng medalya at itinanghal bilang Best Immersionist.
Ayon kay Marvin, kapag anak ka ng isang ordinaryong magsasaka, maraming balakid o hamon ang kakaharapin, lalo na sa aspetong pinansyal. Sa loob ng anim na taon, siya ay naging isang self-supporting student, kung saan naranasan niyang magbenta ng balut tuwing gabi sa loob ng eskwelahan at maglaba upang magkaroon ng dagdag na kita. Ang mga karanasang ito ang nagpatibay sa kanya upang mas lalo pang magsumikap sa loob ng apat na taon sa kolehiyo.
Nang siya ay naging miyembro ng 4Ps, mas lalo pa siyang nagsikap sa kanyang pag-aaral. Ang programa ay naging daan upang mapagaan ang kanyang buhay bilang estudyante. Bukod sa 4Ps, isa rin siya sa mga benepisyaryo ng AGKAYKAYSA, Infants du Mekong Scholar, Tertiary Education Subsidy (TES), at naging SK Treasurer at SK Secretary ng apat na taon. Siya rin ay naging officer ng AFP-PNP Rizal Battalion, Disaster Risk Purok Patroller, at student leader ng Cagayan State University. Lubos siyang nagpapasalamat sa mga oportunidad na ito na humubog sa kanyang kakayahan bilang tagapagsalita ng kabataan.
Ayon kay Marvin, nais niyang maipahatid sa kanyang mga kapwa benepisyaryo ng 4Ps na huwag sumuko sa mga hamon ng buhay. Para sakanya, ang mga pagsubok ay magdadala ng tagumpay at magiging inspirasyon upang mas planuhin nang mabuti ang bawat hakbang. Lubos siyang nagpapasalamat sa lahat ng suporta sa likod ng programang 4Ps, maging ito man ay pinansiyal na tulong o tulong upang mapangalagaan ang karapatan ng isang benepisyaryo.
Tunay ngang hindi hadlang ang kahirapan at pagsubok sa pag-aaral basta may pagsisikap at pagpupursigi. Dahil sa kanyang pangarap at determinasyon, ibinigay sa kanya ng Diyos ang propesyon na kanyang ninanais. Ngayon, isa na siyang ganap na guro at kasalukuyang nakatalaga sa Dungan Elementary School. Totoo ngang ang programang 4Ps ay isang maaasahang kasangga sa pag-abot ng tagumpay.#
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
Sulat ni Issa Mae A. Soriano